Arestado ang pitong residente habang tatlo pang iba ang pinaghahanap ng kapulisan matapos maaktuhang nagsusugal sa isang tahanan 5:20 ng hapon nitong Linggo, ika-26 ng Abril sa Sitio Montevista, Barangay Poblacion, Taytay, Palawan.
Kinilala ang mga naaresto bilang sina Belmore Bonapus, 40, tricycle drayber, Rosario Tacurda, 60, Gina dela Cruz, 38, tindera, Harry Tacurda, 52, tricycle drayber, Lemuel Dela Cruz, 58, karpintero, Irene Dela Cruz, 50, Mark Anthony Aloro, 33, karpintero habang kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad sina Edgar Gentiliso, Romy Tacurda at Lodi Tacurda, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Ayon sa spot report mula sa kapulisan, ganap na alas-kwatro ng hapon noong Linggo nang makatanggap ng impormasyon ang Taytay Municipal Police Station hinggil sa di umano’y tahasang sugal na nangyayari sa nasabing tahanan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nahuli sa akto ang mga suspek na naglalaro ng “tong-its,” o “bet game” sa dalawang magkahiwalay na mesa.
Nakumpiska sa mga ito ang dalawang set ng baraha, pitong piraso ng P100, sampung piraso ng P50, apat na piraso ng P20, at mga barya na nagkakahalaga sa kabuohan nh P1,375.
Samantala, nakatakas naman ang tatlo sa mga ito na kasalukuyang namang pinaghahanap pa din ng kapulisan.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Tong its/Bet Game) ang nasabing mga suspek na hawak na ngayon ng mga awtoridad.