Nanawagan ang hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS) na si Police Major Romireco Remo sa mga opisyal at mga mamamayan na ‘wag isantabi kung may natatanggap na banta sa kanilang buhay bagkus ay agad na isumbong sa PNP.
“Nananawagan din tayo lalo na sa mga may threat [tulad ng mga] barangay opisyal natin [o kung] sino man ‘yan, makipag-ugnayan sa ating himpilan dahil hindi naman natin alam kung ano ang problema nila. So kung may mga ganyan na natatanggap [gaya] sa text mga threat, ‘wag po natin isantabi. Narito naman po ang kapulisan natin na handang tumulong,” ani Remo.
Ayon pa sa opisyal, kahit kanino pa manggaling ang banta sa buhayay dapat itong isumbong upang maimbestigahan at agad maharang ang kanilang masamang plano.
“Para may mga references din po tayo at magpadala ng mga personel natin na mag conduct [ng imbestigasyon] kung sino ang nag-threat sa kanila. Para masugpo kaagad yung mga plano nila,” pahayag ni Remo.
Nanawagan din ng tulong si PMAJ Remo sa mga mamamayan na makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa pag-patay kay Kapitan Roderick Aperocho na makipag-ugnayan sa kanila upang agad na mapanagot ang mga suspek at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng kapitan.
“Sa komunidad ng bayan ng Narra, humihingi po tayo ng tulong regarding sa information [patungkol sa pamamaril kay kap. Aperocho]. Narito lang po tayo at ‘yung imbestigador naman ay patuloy ang pagkalap ng mga impormasyon para ma-i-file at ma-solve ‘yung krimen na ito,” karagdagang pahayag ni Remo.