Nais paimbestigahan ng kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Palawan ang presensiya ng mga barko ng Tsina sa Julian Felipe (Whitsun) Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Sa inihaing panukalang resolusyon ni Rep. Cyrille “Beng” Abueg-Zaldivar na natanggap ng Bills and Index Service ng House of Representatives noong Abril 9, nakasaad na dinidirektahan niya ang kaukulang Komite ng Mababang Kapulungan na magsagawa ng inquiry ukol sa nakahimpil na mga Chinese vessels sa bahaging iyon ng karagatan na 177 nautical miles lamang ang layo sa Bayan ng Bataraza, Palawan.
Kalakip din dito ang agarang pag-adopt ng remedial measures upang i-address ang hindi awtorisado, nagpapatuloy at dumarami pang bilang ng barko ng China na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa WPS na batay sa UNCLOS ay may sovereign rights ang Pilipinas.
“The continued interference of foreign vessels in our country’s EEZ constitutes a blatant disregard of our sovereign rights under international law. As such, it cannot be taken slightly and must be addressed immediately through a unified diplomatic and legal response,” ang nakasaad pa sa resolusyon ni Rep. Abueg.
Binanggit din ng kongresista na simulan Marso 2021 ay nasa 220 na ang mga barkong nakahimpil doon na umano’y mga “Chinese Militia.”
Nakaabot din umano sa kanyang kabatiran na unang nadokumento ang pagdating ng naturang mga Chinese vessel noon pang Nobyembre 2020 base sa isang US-based research company na nag-aanalisa ng satellite-based imagery.
Sa kabila ng paghahain ng diplomatic protest ng Pilipinas, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin umaalis ang nabanggit na mga barko kahit maganda na ang panahon. Sa mga naunang pahayag ng China ay nakahimpil lamang umano ang mga barko sa bahaging iyon dahil sa sama ng panahon.