Bago pa man magpalabas ng kautusan ang pamunuan ng Philippine National Police, malaon nang isinasagawa ang istrikto at mahigpit na pagbabawal sa mga sasakyang hindi pinahihintulutang gumamit ng sirena at blinkers ng Highway Patrol Group sa pangunguna ni PMAJ Ariel M. Abanto, Team Leader, Provincial Highway Patrol Team Palawan.
Matatandaan na mahigpit na ipinag- utos ni PNP OIC LtGen.Vicente Danao Jr. sa Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin ang crackdown sa mga sasakyan na ilegal na gumagamit ng mga sirena at blinker. Batay sa isinasaad ng Presidential Decree No. 96 series of 1973, ang paggamit ng emergency devices ay para lamang sa official vehicles ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), Bureau of Fire Protection (BFP) at mga ambulansya.
Sinabi naman ni, Maj. Gen. Valeriano de Leon, PNP Director for Operations, bukod sa instruksyon, masigasig naman siyang makikipag- ugnayan sa mga Local Government Units sa pamamagitann ng mga Regional Directors, Provincial Directors at Chief of Police, upang puspusan ang pagpapatupad ng anti “Wang-Wang” campaign ng PNP.
Batay sa tinuran ni De Leon sa isang ambush interview ng mga mamamahayag, sinabi nitong… “Right now, the HPG is conducting checkpoints. But in my capacity as the director of operations, I am also communicating with the local government units through our regional directors, provincial directors, and chiefs of police so they’ll know there’s a law about this and it needs to be followed”.
Sa sinumang mahuhuling lalabag sa naturang batas ay maaaring maharap sa anim na buwang pagkakabilanggo, at multang nagkakahalaga ng anim na raang piso, kasabay ng pagpapawalang bisa ng sertipiko ng rehistrasyon ng kanilang sasakyan.
Bukod sa mga itatalagang checkpoints ng mga Highway Patrol Group sa bansa, maglalagak din ang mga ito ng mga babala sa mga istratehikong lugar, bukod pa sa pagbisita at pagpapaalala sa mga tindahan at establisiyemento na bawal ang pagtitinda, instolasyon ng mga naturang “gadgets” sa mga sasakyang hindi pinahihintulutan ng batas.
Maari lamang magbenta ang mga ito sa mga ahensiya ng pamahalaan na nakasaad sa batas, katulad ng mga behikulong gamit ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Land Transportation Commission, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga Hospital Ambulances.
Samantala dito sa lalawigan ng Palawan,sinabi ni PCPT Wilson G.Nagales,Asst.Team Leader ng Provincial Highway Patrol Team Palawan bukod sa nauna nang kautusan sa kanila na “ Oplan: Disiplinadong Driver”, noon pang taong 2017 na nilagdaan ni dating HPG Director na si Police Chief Superintendent Arnel B. Escobal ipinagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng mga batas pangtrapiko upang masiguro ang kaligtasan ng mga nagmamaneho at pasahero gamit ang lahat ng uri ng transportasyong pangkalsada, at upang mabawasan din ang aksidente sa daan.
Nitong 2021 at hanggang sa kasalukuyan mayroon nang nakumpiska na tatlong daan limampu at isa (351) LED lights at isang (1) piraso ng sirena at tatlong piraso ng (3) blinkers ang nakumpiska ng Highway Patrol Team Palawan bilang resulta ng kanilang patuloy na operasyon sa iba’t- ibang dako ng lalawigan ng Palawan.
Paalaala ng Provincial Highway Patrol Team Palawan sa pamumuno ni PMAJ AREIL M ABANTO: ” SUMUNOD LAMANG SA BATAS TRAPIKO, UPANG TAYO’ Y LAGING LIGTAS SA PAGGAMIT NG LANSANGAN”