Provincial News

Mga palikuran sa pampublikong lugar, nais isulong ng Sangguniang Panlalawigan

By Jane Jauhali

July 20, 2022

Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan ang planong pagpapatayo ng mga palikuran sa mga pampublikong lugar partikular na ang madalas dinarayo ng mga turista sa lalawigan.

Hinihiling ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kay Gob. V. Dennis M. Socrates sa pamamagitan ni Engr. Aireen L. Marcaida, Officer-in-Charge ng Provincial Engineering Office (PEO) sa pakikipagtulungan ng Provincial Tourism Promotions and Development Office (PTPDO) na mabigyang pansin ito.

Sa pamamagitan ng Proposed Resolution No. 035-22 na may titulong “Requesting Gov. Victorino Dennis M. Socrates thru Engr. Aireen L. Marcaida, OIC-PEO in collaboration with the Provincial Tourism Promotions and Development Office, to consider the construction of public utility restrooms in all tourist destinations and in all identified public places including public plaza, public market, airports and public transport hubs/terminals, within their respective territorial jurisdiction to promote public health and sanitation as well as to boost and support the tourism industry as we showcase Palawan as the World’s Best Island Destination,” iniakda ni Board Member Ariston D. Arzaga. Ayon kay BM Arzaga, layunin nito na matulungan at suportahan ang tourism industry ng lalawigan bilang ‘World’s Best Island’ at upang mas lalo pang makahikayat ng marami pang mga turista na tumungo at bumisita sa Palawan.

“This is just a manifestation that the Provincial Government should consider the construction of such facilities [public utility restrooms] to encourage and support our tourism industry in Palawan as we are the ‘World’s Best Island destination’, so comfort rooms are somewhat showcase of our province, of our locality,” ani Arzaga.

Aniya malaki ang pakinabang umano kung maisusulong ang kanyang iniakdang resolusyon na makakatulong sa kalinisan sa bawat komunidad upang mapanatili ang kaligtasan hindi lamang ng mga turista kundi maging ang mga mamamayan sa lugar.

Nakasaad din sa resolusyon na kabilang sa mga lugar na maaaring pagtayuan ng pampublikong palikuran ay ang mga plaza, public market, airport at public hubs o terminals na matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Palawan. Samantala, ang naturang resolusyon ay aprubado na sa una at huling pagbasa ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan sa isinagawang regular na sesyon kahapon ika-19 ng Hulyo taong kasalukuyan.