Imumungkahi ng Provincial Veterinary Office sa Sangguniang Panlalawigan na pagbawalan ang pagpasok ng mga processed meat sa Palawan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga mamamayan at hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF).
“Kaya ibig sabihin puwede nang kakalat yan sa buong Visayas, sa MIMAROPA naman tayo ay wala pa kaya nga po gusto natin na i-total ban lahat ng mga papasok na mga live pigs dito mga by products nila, yung mga processed meat kasi baka magkahawaan.” Pahayag ni Dr. Darius Pe Mangcucang ng Provincial Veterinary Office.
Paliwanag pa ni Mangcucang, half-cooked lamang ang mga processed meat kaya posibleng maging daan ito para makapasok sa lalawigan ang ASF virus. Itinuturing na highly pathogenic ang ASF virus sa alagang baboy dahil kapag nadapuan nito ay posible itong mamatay sa loob ng 24 na oras.
“Kasi yung processed food na yan ay nabubuhay dyan kahit na 90 days yung virus. Kung tutuusin mas malala itong ASF eh kung sa tao di pa sya tinatawag na highly pathogenic yung COVID, kasi pag sinabi na highly pathogenic yung virus, within 24 hours namamatay. Sa COVID naman hindi 24 hours eh na o-ospital pa sila nakaka-recover pero pag sa hayop yung African swine fever virus na yan pagtinamaan sila within 24 hours patay.”
Dagdag pa nito na kailangan na maging maagap ang Pamahalaang Panlalawigan, kaya ngayong araw ay hihilingin nya sa Committee on Agriculture ng Sangguniang Panlalawigan na magkaroon ng kautusan na ipagbawal ang pagpasok ng ano mang produkto ng baboy sa lalawigan maging semilya nito mula sa ibang lugar.
“Kasi sa MIMAROPA tayo na lang ang may executive order na mayroon pang exemption kaya lang gusto natin i-revise na yan kasi yung Visayas ay infected na rin so para maproteksyunan ng ating probinsya katulad ng ginawa naming dati yung Foot and Mouth Disease hindi kailan man nakapasok sa Palawan. FMD free tayo without vaccination. Tayo, hindi napasok so ganun din gusto natin na mangyari sa ASF hindi makapasok dito ang magiging bala natin dyan yung Executive Order na total ban,”
“Dalawa ang inaano (hinihiling) nating EO yung ating plan, yung isa Executive Order to ban papasok lahat pati semilya ng baboy bawal kasi puwede magdala ng sakit yan at yung isang EO naman sa paglabas naman. Pero yung isa urgent yun. Anytime puwede tayo pasukin ng ganung sakit.”