Tahasang iniugnay ng Palawan Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na ang mga makakaliwang-grupo ang nasa likod ng pananambang sa ambulansiya ng Rescue 165 kahapon ng hapon.
“Muli na namang nagsagawa ng terorismo ang mga NPA ng kanilang paulanan ng bala ang ambulansiya ng Rescue165 na naglalaman ng mga sibilyang medical frontliners,” ang nakasaad sa press statement ng task force kahapon.
Matatandaang nasawi ang isang nars at sugatan ang iba pa sa nasabing ambush na naganap dakong 3:00 pm kahapon sa Brgy. Dumarao, Bayan ng Roxas.
“Nakakalungkot isipin na sa gitna ng pandemya ay nagagawa pa ng mga teroristang NPA ang paghahasik ng kaharasan. Wala ng pinipili ang mga teroristang ito pati ambulansiya at mga sibilyan ay pinapatulan na. Ipinapakita lamang nito ang kanilang tutuong kulay at layunin na sirain ang katahimikan ng Palawan. Pati mga sibilyan ay pinapatos na nila na walang ibang layunin kundi ang magbigay takot at pangamba. Malinaw na sila ay walang respeto sa Karapatang Pangtao at Pangdaigdigang Batas sa Karapatang Pangtao (International Humanitarian Law) taliwas sa kanilang mga sinasabi at ipinapangako sa tao,” ayon naman kay Gob. Jose C. Alvarez.
Maliban sa unang insidente ng pananambang ay nagkaroon na rin ng sunod-sunod na pag-atake sa iba’t ibang parte ng Palawan noong mga nakaraang buwan ng Hulyo. Iyon naman ay inako ng Bienvenido Vallever Command (BVC)-NPA Palawan ngunit ang pinakahuling kaganapan ay wala pa silang ibinababang pahayag.
Kinondena rin ng pamahalaan at umano’y pag-atake ng terorismo at ang CPP-NPA at nananawagan sa mga mamamayan na bigyan ng daan ang kapayapaan upang makamit ang kaunlaran sa Lalawigan ng Palawan.