“Mataas ang tiyansa [na magsasampa ng kaso]. Hinihintay ko na lang ang legal advice. Ayaw ko naman yung lugaw na kaso,”
Ito ang tugon ni Niña Gonzales kaugnay sa pagdeklara sa kanya bilang persona non grata ng lokal na pamahalaan ng Culion Palawan sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon ng Sangguniang Bayan members.
“Hinihintay ko pa yung advice ng abogado kasi finorward ko na lahat ng documents. Wala pa kasing go signal ang abogado naipa-file. Pero nandoon na lahat ng documents,”
Binigyang diin ni Gonzales na pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan ang ginawa ng mga opisyal kaya lahat umano ng nagpasa ng resolusyon kabilang na si Mayor Virginia De Vera ay sasampahan ng kaso.
“Para hindi na nila magawa sa iba kasi abuse of authority yung ginawa nila eh at para maging aral din na bago sila gumawa ng isang resolusyon, pag-aralan muna nila o kaya mag-consult muna sila sa abogado sa mga legal experts,”
“Posible lahat talaga. Kung sino ang nakapirma doon, syempre siya [ay kasama](Mayor Virginia De Vera) ang pasimuno noon eh,”
Aniya, layunin nito ay bigyang leksyon ang mga opisyal na bago gumawa at magpasa ng isang resolusyon ay pag-isipan ng maigi dahil maraming masamang epekto ito sa isang indibidwal gaya ng nangyari umano sa kanya.
“Paano kasi kung sa iba na walang kaalam-alam [mangyari ito]. Siguro kung hindi lang strong ang personality ko at saka di ko lang alam talaga kung ano ang dapat [at ang] tama, siguro malaking epekto. Hindi ko lang alam sa ibang tao kung ano ang magiging epekto kung sakaling sa kanila mangyari diba?”
Matatandaan na noong March 22, 2021 ay inaprubahan sa Sangguniang Bayan ng Culion ang Resolution No. 2021-1762, nakasaad dito ang pagdeklara bilang ‘Persona non Grata’ kay Gonzales dahil sa hindi umano nito nirespeto ang naging pasya ng karamihan sa mamamayan ng kanilang bayan sa mga pahayag nito sa social media.
Samantala ilang linggo nang sinubukan ng News team na makuha ang panig ni Culion Mayor Virginia De Vera subalit hanggang ngayon ay wala pa itong tugon habang bukas pa rin ang PDN sa nasabing opisyal at maging sa mga SB Members ng Culion.