PUERTO PRINCESA CITY – Isang resolusyon ang inaprubahan sa ika-99 na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan na humihimok sa mga kabataang Palaweño, partikular na sa mga bago lamang nagtapos ng sekondarya, na piliing magtrabaho sa mga larangan na may kaugnayan sa pagsasaka at pangingisda.
Sapagkat maraming nagtapos ngayong taon ng sekondarya, lalong-lalo na ang mga kabilang sa unang pangkat ng K-12, ang naturang resolusyong inakda ni Board Member Clarito D. Demaala IV ay nagnanais na hikayatin ang mga kabataang ito na bigyang-pansin ang larangan ng agrikultura sa kanilang pagpili ng kurso sa kolehiyo dahil aniya, pakaunti na nang pakaunti ang mga mangingisda at magsasakang Pilipino at karamihan sa kanila ay matanda na.
Ayon kay Board Member Demaala, dapat sa mga eskwelahan pa lamang ay maituro na sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagsasaka at pangingisda upang sa kalaunan ay hindi mapabayaan ang agrikultura sa ating lalawigan. At dahil karamihan sa mga kabataan natin ngayon ay pinipili ang ibang mga larangan at magtrabaho sa mga siyudad, nanganganib nang maubos ang mga magsasaka at mangingisdang sumusustento sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan.
“Ang mga agricultural lands natin nako-convert na as commercial. Siguro 50 years from now, baka more or less kaunti na lang ‘yung agricultural lands natin. Yung mga farmers natin kaunti na lang din. Kaya ako ini-encourage ko yung mga kabataan na ipagpatuloy nila ‘yan para yung kanilang mga agricultural farming lands ay hindi ma-convert sa residential o commercial. Ang laki-laki kasi ng kalupaan ng Palawan lalo na yung dagat natin,” pahayag ni Demaala.
Sa pamamagitan ng resolusyong ito, nais ring iparating ng Sangguniang Panlalawigan sa mga kabataang Palaweño na tulad ng ibang mga larangan, marami ring mga oportunidad na naghihintay sa kanila sa agrikultura.
Discussion about this post