Gustong panagutin ng Sangguniang Panlalawigan ang Konsehal ng Brooke’s Point Palawan maging ang asawa nito na nagpositibo sa COVID-19 dahil labas-masok umano ito sa lalawigan nang hindi dumadaan sa tamang proseso.
Ayon kay 2nd District Board Member Cesareo Benedito, nagbagabag ang mga residente nang mabalitaan na galing ng Malaysia ang nagpositibo sa COVID-19. Maging ang mga negosyo umano sa bayan ay naapektuhan.
“Yung kanya pong mister ay nag-positive po, at sa bayan po ng Brooke’s Point, ngayon ay nagugulo yung kaisipan ng mga tao at nag aalala po sila. At kahapon nga po, pati yung tabuan doon sa amin na naka-schedule ng Lunes ay wala pong Tabuan, kasi yung mga barangay na nagdadala po ng kanilang paninda tuwing Lunes na kung saan yun lang yung pagkakataon nilang kumita, sila po talaga ay galit na galit doon sa asawa ng Sanggunian Bayan Member.”
Dagdag pa ni Benedito, dapat umanong manguna sa pagsunod ng mga pinaiiral na batas ang mga opisyal ng bayan.
“Dapat po yung Sanggunian Bayan Member yung opisyal ng bayan siya po dapat yung maging ehemplo doon sa kanyang nasasakupan pero ang nangyari po siya pa po yung may dala po na hindi katanggap-tanggap po at ang masama po dito marami po naapektuhan.”
Nais din imungkahe ni BM Benedito na isangguni ito sa Provincial IATF at bigyan ng karampatan aksyon ang pangyayari dahil para umano sa kanya, malinaw na may nilabag ang mga ito.
“Nais kong imungkahi dito ay i-refer po ito doon sa Provincial IATF na kung saan alam ko ay may move na rin po sila, na dapat po ay bigyan ng karampatang aksyon yung ginawa po na violation nung Sanggunian Bayan Member po na yan at nung kanyang asawa..”
Samantala marami pa umano dapat imbestigahan sa pangyayari dahil hindi umano malinaw kung kailan nag labas-masok ang mag-asawa.
“Kasi ako po sa nakikita ko lang, hindi ko naman hinahatulan agad pero sa nakikita ko po ay mayroon violation po sa health protocol kasi itanago po nila yung kanilang travel history dahil sabi nga po nanggaling po sila doon sa Malaysia at dumating daw nung December 27 pero sabi po nila dumating lang nung January 10 so marami po dapat imbestigahan diyan.”
Discussion about this post