Board Member Ryan Maminta

Provincial News

Seguridad ng pagkain sa Palawan, nais alamin ng Sangguniang Panlalawigan

By Gilbert Basio

January 19, 2021

Ipapatawag sa susunod na Martes, January 26, sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno may kinalaman sa supply ng pagkain sa lalawigan. Ito ay sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin sa pamilihan.

Sa privilege speech ni 2nd District Board Member Ryan Maminta, nais umano nilang malaman sa mga pamamagitan ng mga kinauukulang ahensya kung ano ang sitwasyon ng produksyon ng pagkain at kung ang krissis na kinakaharap sa kakulangan ng supply magtatagal.

“Ang ating mga ahensiya ng pamahalaan ay mayroong parte sa pagtitiyak ng supply at higit sa lahat yung tamang presyo sa merkado…Sapagkat nakikita natin tila nagkukulang na supply ang may pagsamantala na kakulangan sa supply sa pagkain kung ito ba ay lalawig o pansamantala lamang,” Ani Maminta.

Sinegundahan naman ni Board Member Ferdinand Zaballa ang kahilingan para masagot ang mga katanungan ng marami lalo na sa supply ng karneng manok, baboy at sa iba pang pangunahing bilihin.

“May mga araw po na walang karneng baboy sa mga palengke, wala [rin] karneng manok at nung mga ilang araw na may pinatawag din po ako sa bayan ng Narra at sabi nga po nila noong nakaraang dalawang linggo hindi nakapagpadala ng sisiw kaya hindi nakapagpalaki ng manok at the same time tinitingnan natin na parang walang security yung ating kusina kung palaging ganito so tamang-tama po napapanahon na ipatawag natin sa pagsimula ngayong taon at mabigyan po tayo ng programa ng mga national agencies patungkol sa bigas, sa mga prime commodities at sa mga presyo ng mga bilihin na nakukuha po natin sa palengke,” ani Zaballa.

Humingi rin ng update si Board Member Cesario Benedito Jr. sa Provincial Agriculture Office upang malaman mga hakbang para hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF) sa Palawan na itinuturong dahilan kaya pumupunta sa lalawigan ang ilang mamimili ng baboy.

“Dapat mabigyan din tayo ng update ng Provincial Agriculture…Yung tungkol sa African Swine Fever na kung saan wala pa man ito sa Palawan pero yung kinakatakot ngayon, kaya sabi nila tumaas ang bilihin, presyo ng baboy, karne ng baboy. Dahil doon sa ibang lugar mayroon ng ASF , so sana dito sa Palawan ay hindi ito makarating, gusto rin natin malaman sa kanya (sa Provincial Agriculture Officer), ano na ba ang ginagawang measure para hindi makapasok ito sa ating lalawigan?,” pahayag ni Benedito.

Samantala kasama sa mga nais ipatawag sa susunod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay ang mga tanggapan ng Provincial Agriculture, Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Trade and industry at National Food Authority (NFA).