Isang resulosyong kahilingan ang nagkakaisang inaprubahan ng Sangguniang Panglalawigan na humihiling kay Senador Sonny Angara ng pondong nagkakahalaga ng P100 milyon para sa pagpapatayo ng multi- specialty hospital sa Palawan.
Ipinahayag ni 2nd District Board Member Ryan Maminta, ang kahilingang resulosyon ay idadaan sa pamamagitan ni Cong. Jose Chaves Alvarez sa pagtungo nito sa senado at personal na makikipag-usap kay Senate Committee on Finance Chairman Sen. Angara.
Ayon kay Maminta… “si Congressman JCA ang magre- represent sa konseho at makikipag- usap kay Angara, para by 2023 or 2024 habang ginagawa yung batas na panukala ni Cong. JCA ay mapondohan na ang pagpapatayo ng naturang ospital.”
Sinabi ni Maminta ang hakbanging ito ay istratehiya para sa pagpopondo ng panukalang batas ni Cong. Alvarez, kaya’t mahalagang mapondohan na ang unang bahagi ng multi-specialty Hospital na hawig sa Phil. General Hospital.
Ang multi- specialty hospital ay mayroong kakayahang para makapagsagawa ng mga major operations sa liver, kidney, lungs, at pediatric transplant, bukod pa sa maaari itong magsilbing bilang training hospital ng mga ga-graduate mula sa PSU College of medicine.
Bukod dito, sinabi pa ni Maminta na…”yung pagtatayo ng paunang bahagi ng multi-specialty hospital sa lalawigan ng Palawan ay merong specialization syempre, nandito na yung mga major operation sa Liver, Kidney, Transplant pati sa lung tapos magiging training hospital sya so hindi lalayo ang PSU kung sakaling magawa natin yan dito, paunti-unti para yung Ospital ng Palawan ay mai-convert into multi-specialty hospital.”
Samantala maliban sa planong pagpapatayo ng makabagong pagamutan, kasama din sa kahilingan ng konseho ang pag convert sa Ospital ng Palawan bilang isang multi-specialty Hospital sa lalawigan.
Para kay Maminta…”sa tingin ko 100M will make the project start for the initial funding ang establishment ng MSH, karagdagang pasilidad, karagdagang pondo para sa mga doctor, sa mga kagamitan na dapat kumpleto halos at isang public hospital sya so less na ang babayaran ng ating mga kababayan, natutuwa tayo kasi hanggang ngayon ito parin yung damdamin at kaisipin ni Cong. JCA na ipagpatuloy yung pagpapalakas ng health system sa buong lalawigan ng Palawan, at kapag nagkaroon ng multi-specialty hospital na parang ang dating ay Philippine General Hospital o PGH hindi na mahihirapan yung mga kababayan natin, kung matatandaan po ninyo meron kaming inaprubahang mga resolusyon na sumuporta doon sa pagtatayo ng multi-specialty hospital sa lalawigan ng Palawan.”
Discussion about this post