Provincial News

Sundalong sugatan sa engkwentro sa Brooke’s Point, binawian na ng buhay

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 22, 2020

Yumao na ang isang sundalong unang isinugod sa pagamutan matapos ang naganap na engkwentro sa pagitan ng MBLT-4 at New People’s Army (NPA) sa Bayan ng Brooke’s Point kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si PFC. Christopher dela Cruz, mula sa Tarlac, at nasa ilang taon pa lamang sa serbisyo bilang kasapi ng Sandatahang-Lakas ng Pilipinas.

Ayon sa tagapagsalita ng Western Command (WESCOM) na si LtCol. Stephen Penetrante, naiuwi na sa kanyang bayan ang yumaong kawal matapos na mabigyan ng kaukulang pagkilala mula sa unified command sa Palawan kahapon.

“Kino-condemn po natin ‘yong gawaing masasama ng mga [miyembro ng] Communist Terrorist Group at pagkatapos po, gagawin po lahat ng PTF-ELCAC PLEDS cluster, kasama ang WESCOM, na panagutin sa batas ang mga gumawa niyan kaya nga po ongoing po ang hot pursuit operations. At pagkatapos po, kapag nahuli po sila, sila po ay makakasuhan at makukulong,” ang naging pahayag ni LtCol. Penetrante ukol sa insidente.

REAKSYON SA SUNOD-SUNOD NA PAG-ATAKE

Nagbigay din ng reaksyon ang WESCOM hinggil sa naging sunod-sunod na pag-atake ng mga miyembro ng NPA sa Lalawigan ng Palawan na kung saan ay dalawa ang naganap sa Bayan ng Taytay at sinundan naman sa Bayan ng Brooke’s Point noong Hulyo 20.

“Ang ating mga kasundaluhan po ay trained, very professional at alam po nila ang mga gagawin nila sa iba’t ibang sitwasyon, lalong-lalo na sa pakikipagdigma. Ang atin pong kalaban ay traidor; ‘pag sinabi po nating traidor, ‘yon po ay binabaril na nakatalikod [ang kanilang kaaway] …. At sila po ay mapagkunwari na kunwari sila ay mabait at kanilang inaalagaan ang karapatan ng mga mamamayan pero sa katunayan po ay kanilang tinatakot sa pamamagitan ng armas, sa pamamagitan ng pag-a-ambush o pagha-harass sa ating mga tropa—pananakot po ‘yan sa ating kababayan, at ganoondin po sa ating mga local chief executives,” ayon sa tagapagsalita ng Western Command. Gaya ng laging sinasabi sa ngayon ng mga kinauukulan, tahasan ding binanggit ni LtCoL. Penetrante na kukunti na lamang ang bilang ng mga kasapi ng makakaliwang-grupo sa lalawigan at pilit lamang nilang ipinapakita na malakas pa rin sila.

Tiniyak din ng unified command ng AFP sa Palawan na magpapatuloy ang pagtupad nila sa kanilang misyon na pangalagaan ang komunidad at gayundin ang pagtupad sa kanilang mandato na labanan ang lahat ng krimen at ang mga miyembro Communist Terrorist Group.

Kaya panawagan ng WESCOM sa mga miyembro ng CPP-NPA, sumuko na lamang upang “magkaroon ng kapayapaan at tunay na progress ang probinsiya” sapagkat kung hindi ay tiyak umanong maabutan sila ng kamay ng batas pagdating ng panahon.

Mensahe naman ng WESCOM sa mga mamamayan na ipagbigay-alam sa mga security personnel—sa pulisya at militar kung mayroon silang nakikitang mga kahina-hinalang mga armadong kalalakihan nang sa gayon ay mapanagot sa batas at maprotektahan ang komunidad.

Sa kabilang dako, inako naman ng Bienvenido Vallever Command (BVC)-NPA Palawan na sila ang nakasagupa ng MBLT-4.

Ayon sa ipinadalang impormasyon ng tagapagsalita ng BVC na si Salvador Luminoso, ang naganap na sagupaan ay bahagi ng kanilang military campaign laban sa naisabatas na Anti-Terror Law, para sa SONA ni Pangunong Rodrigo Duterte at sa mga reklamo umano nilang natatanggap buhat sa komunidad.

“Pamamarusa namin sa MBLT-4 at buong AFP-WESCOM ang aming ambush noong July 20,” ani Luminoso.

Maliban dito, mabibigat ding akusasyon ang ibinato ng NPA sa Western Command at MBLT-4.

“Sinungaling po ang WESCOM, walang nasaktan sa mga kasamahan namin; ligtas po sila and it was not an encounter, it was a planned attack…. Ang MBLT-4 ay mahigit isang buwan nang nag-o-operasyon sa Aribungos. Hindi CSP team ‘yon—with outmost absurdity, sino namang tao or community ang bibigyan nila ng relief/support sa gitna ng bagtikan?” ayon pa sa tagapagsalita ng BVC. Ayon pa kay Luminoso, nakatanggap sila ng reklamo buhat sa komunidad na dahil simula Hunyo 14 ang operasyon ng mga militar ay maraming pananim umano ang sinira nila at inapak-apakan gaya ng mais at palay.

“Mayroon din kaming verified report na mayroon silang binugbog at pilit na ginawang guide sa gubat,” aniya.

Iginiit pa niyang tinatago umano ng WESCOM ang tunay na bilang ng nasaktan sa engkwentro dahil ayon sa kanilang source ay dalawang ambulansiya ang nakita nilang pumasok sa komunidad, dalawa ang sugatan at agaw-buhay ang isa sa kanila, at dalawang beses din naghakot ang six-seater private helicopter.

Sa kasalukuyan ay sinisikap naman ng Palawan Daily News (PDN) na kunan ng pahayag ang panig ng pamahalaan ukol sa mga akusasyon ng makakaliwang-grupo.