Umani ng papuri at pasasalamat mula sa mga Palawenyo si Ssgt Cesar Barlas, PN(M), ang Palawenong sundalong nasawi sa naganap na bakbakan sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa Brooke’s Point Palawan noong Setyembre 3.
“Sakit sa dibdib. Isang tubong Palawenyo pa talaga ang nasawi laban sa mga dayuhan sa Palawan na teroristang NPA.
Paalam kaibigan, kababata and brother in arms (marines)! Hooray! Bayaning kawal Marino. May you Rest in Peace,” ang bahagi ng post ni Bong Basco, isa sa mga miyembro ng Batang Puerto Princesa (BPP), sa kanyang BPP private page.
Sa nasabing post ni Basco, bumuhos ang pakikiramay ng publiko sa pamilya ni Ssgt Barlas, kalakip ang pagbibigay nila ng pagpupugay sa yumaong kawal na tinawag nilang bayani.
“Ang aking pagdadalamhati at pakikiramay sa naulilang pamilya ni SSgt. Cesar R. Barlas, na siyang nagbuwis ng buhay sa naganap na engkwentro laban komunistang NPA. Ang kabayanihan ng bawat sundalong nakikipaglaban ay hinding-hindi kailan man matatawaran. Si SSgt. Barlas ay isang Palawenyo at ibinuwis ang kanyang buhay para sa kanyang mahal na lalawigan,” ang ipinaabot namang mensahe ni 3MBde Commander, BGen. Nestor C. Herico sa kanilang social media page na “Brigada Agila.
Matatandaang nagkaroon ng walong minutong palitan ng putok sa pagitan ng Bienvenido Vallever Command, ang unit ng NPA sa Lalawigan ng Palawan at Force Reconnaissance Group na sa ilalim ng 3rd Marine Brigade (3MBde) dakong 5:35 am sa Sitio Kubuyoan, Brgy. Mainit, Brooke’s Point.
Patay sa hanay ng mga NPA sina Bonifacio Magramo a.ka. “Boywan” at “Salvador Luminoso” na siyang tagapagsalita ng NPA-Palawan, kalihim ng Sub-Regional Military Area-4E (SRME-4E); Andrea “Naya” Rosal (anak ni Ka Roger Rosal), deputy secretary; Noel “Ka Celnon” Siasico at ang dalawang guerrilla fighters na sina Ka Rj (lalaki) at Ka Pandan/Lemon (babae).”
Samantala, mariing hinihikayat ng pamahalaan ang iba pang miyembro ng makakaliwang grupo na sumuko na sa mga otoridad.