Tuloy-tuloy ang ginagawang monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) Palawan sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin o tinatawag na basic necessities at prime commodities kabilang na ang mga Noche Buena products sa merkado.
Ayon kay Persival Narbonita tagapagsalita ng DTI Palawan, walang dapat ikabahala ang mga mamimili patungkol sa supply ng mga nasabing pangunahing bilihin.
“…base po sa ating pagtatanong sa mga leading wholesalers including ang mga distributors ay enough po or sapat ang supply ng ating basic necessities at prime commodities at ang noche Buena products, sabi nga nila sir ang noche Buena products ay mayroong tatlong buwan ang target nila lampas pa sa ngayong ber months, marami silang stocks,” pahayag ni Narbonita.
Dagdag pa ni Narbonita, pasok naman sa Suggested Retail Price (SRP) ang mga produkto na kanilang binabantayan at wala namang paglabag sa ipinapatupad na price freeze.
“So far naman po sa pagmomonitor ng ating mga Negosyo center sa mga munisipyo pati sa Puerto princesa city ay within naman po sa suggested retail price or SRP ng mga produkto na under ng DTI. Wala po tayong natanggap na reklamo kaugnay doon sa violation ng mga price freeze,” muling pahayag ni Narbonita.
May nakatalaga rin umano na mga tauhan ang DTI sa iba’t ibang lugar sa lungsod at mga munisipyo upang bantayan ang presyo maging ang supply ng mga pangunahing bilihin.
“Under ng DTI na mga produkto ay palagi kasing nating minamatyagan. May mga staff tayo sa mga munisipyo na umiikot… Sa Puerto princesa ay weekly at sa mga munisipyo ay monthly,” karagdagang pahayag ni Narbonita.