Ilang araw nang usap-usapan sa bayan ng Narra ang mga tarpaulin na naglalaman ng mga pagmumuka at pangalan ng mga lokal na opisyales na nag-endorso ng pagpapatayo ng 15-megawatt Coal-Fired Plant sa bayan noong 2015.
Ayon sa mga anti-coal advocates, ito umano ay kanilang ipinaskil upang gamitin ang tinatawag na “Freedom of Information,” ayon kay Joel Pelayo, kilalang leader ng No to Coal Movement.
Dagdag pa ni Pelayo, ang lahat ng tarpaulin ay nakapaskil lamang sa mga private property ng mga kasama niyang anti-coal advocates.
“Mga private property po lahat ng pinaskilan. Freedom of Information. Gusto lang namin na ipaalam sa tao who are those responsible persons na nag-endorse,” anya ni Pelayo.
Itinanggi din ni Pelayo na hindi nila intensiyon na mamahiya ng kung sino man, bagkus ang mga tarpaulin ay isang pabatid lamang sa publiko upang ipaalam kung sino ang mga opisyales na nag-endorso ng pagpapatayo ng Coal-Fired Plant sa munisipyo noong 2015.
“Kumbaga kung ‘yan (Coal-Fired Plant) ay magiging maganda ang kalalabasan, maging proud sila. But, kung magagalit sila at kung may makikita silang mali, then maano sila sa mga pictures na ‘yan,” ani ni Pelayo. “Actually yan ay inilagay naming dahil gusto lang naming ipakilala. Kasi wala naming statement sa tarpaulin as you recall. Ang nakalagay lang naman diyan ay ‘pabatid ito ‘yung mga nag-endorso ng resolution etcetera,’ the freedom of information is the main goal talaga diyan,” dagdag ni Pelayo.
Ipinaalam din ng aktibista na may binaklas na umanong tarpaulin kinabukasan matapos nilang maipaskil ang mga ito.
“Noong time na kinabit namin siya, halimbawa today, kinabukasan may isa nang nawawala,” anya ni Pelayo.
“Wala kaming pinagbibintangan kung sino. Pero ang tanong lang namin diyan eh sino ba ang possible at sino ba ang may kakayanang mag-patanggal? ‘Yun lang naman. Pero wala kaming pinipin-point,” dagdag nito.
Samantala, kaugnay nito, nakunan ng pahayag ng Palawan Daily News si Narra Vice Mayor Crispin Lumba, isa sa mga kilalang nag-endorso sa sinasabing planta noong 2015.
Iginiit ng bise-mayor na sa ngayon ay hindi muna sila magbibigay ng opisyal na pahayag tungkol dito, bagkus, sila ay magkokonsulta muna sa mga legal na eksperto o abogado kung ang naturang mga tarpaulin ba ay hindi lumabag sa ano mang karapatang pantao ng mga opisyal na kasama rito.
“Nagtatanong pa tayo ngayon. Unang-una hindi naman natin sila pinayagan na gamitin ang mga picture na ‘yun,” ani ni Lumba.
Samantala, sa panayam ng Palawan Daily News kay Wenceslao Ignacio, dating kagawad na nag-endorso rin ng naturang planta, iginiit nito na karapatan umano ng mga anti-coal advocates na ipaskil ang mga ito.
“Karapatan naman nila ‘yan, hayaan nalang sila,” anya ni Ignacio.