Muling isasailalim sa swab testing ang tatlong Locally Stranded Individuals o LSIs sa bayan ng Busuanga na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Busuanga Municipal Information Officer Jonathan Dabuit, ito ay upang makumpirma na magaling na ang tatlo mula sa virus.
Gayunpaman, sa ngayon anya ay nananatili parin ang mga ito sa kanilang isolation facility at patuloy na mino-monitor ang kondisyon.
“Continuing ang monitoring sa kanila ay sa 7th of July at isa-swab sila ulit para masabi natin na magaling na talaga sila kung magne-negative ang resulta nito,” ani Dabuit.
Samantala, sinabi rin ni Dabuit na natanggap narin nila ang resulta ng swab test ng 38 indibidwal na kasabay ng tatlong umuwi sa Busuanga na pawang negatibo naman anya ang mga resulta.
“Nakauwi na sa kanilang mga bahay ‘yong 39 dahil negative din ang result ng swab test sa kanila. Actually, 38 ang natanggap naming resulta kasi nagkaproblema sa label ng isang specimen pero idinaan s’ya sa RDT at negative din ang result. Bago namin s’ya pinauwi, humingi muna kami ng advise sa DOH kung pwede na s’yang palabasin pero pinayagan na s’ya dahil 25 days narin ito sa quarantine facility,” dagdag ng tagapagsalita ng Busuanga.
Sa kasalukuyan ang naghahanda parin ang Busuanga LGU sa inaasahang pagdating ng iba pang LSIs mula sa iba’t ibang panig ng bansa.