Environment

Unggoy, Falcon, nailigtas ng mga residente ng El Nido

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 18, 2020

Na-rescue ng mga residente ng Bayan ng El Nido ang isang unggoy at isang Falcon sa magkakahiwalay na petsa ngayong buwan ng Mayo.

Ayon sa pamunuan ng CENRO-Taytay-El Nido, kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon ang nasabing mga buhay-ilang sa Protected Area Management Office-El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area (PAMO-ENTMRPA) kaya hindi pa naibabalik sa natural nilang tahanan.

“Nasa pangangalaga pa [sila] ng aming PAMO [ngayon]. Once na lumakas na [sila] ulit o pwede nang pakawalan, bago sila maibabalik sa natural habitat [nila],” ayon sa CENRO-Taytay-El Nido.

Sa post ng nabanggit na ahensiyang sangay ng DENR sa kanilang Facebook account ilang oras ang nakalilipas ngayong araw, sinabi nilang na-rescue ng ilang residente ng El Nido ang isang Matsing o Palawan Monkey (Macaca Fascicularis) at isang ibon na napag-alaman nilang isang Peregrine Falcon (Falco peregrino ernest).

Sa impormasyong kanilang ibinahagi, Mayo 6 nang ma-rescue umano ng ilang residente ng El Nido ang Unggoy. Ayon umano sa isang residente ng Brgy. Buena Suerte na si G. Rodel Canales, nagulat na lamang umano sila nang makitang pumasok sa kanilang tahanan ang Unggoy na kanya namang personal na inihatid sa PAMO-ENTMRPA. Sa pagsusuri umano ng kawani ng PAMO ay napag-alamang nagtamo ng bahagyang pinsala ang Matsing sa kanyang kaliwang binti.

Ang Palawan Monkey o ang “Long-tailed Macaque” na napapabilang sa Pamilya Cercopithecidae ay itinuturing na ngayong near threatened species base sa klasipikasyon ng International Union for Conservation of Nature (IUCN).

Habang noong Mayo 13 naman umano, ayon sa kwento ng trabahante ng Cherimakar Marketing Corp., ika-6:45 ng gabi ay nagulat na lamang umano siya nang may biglang bumagsak na ibon. Agad naman umano niya itong ipinaabot sa DENR-CENRO Taytay-El Nido.

Kinabukasan umano ay personal din niyang inihatid ang nasabing hayop at napag-alaman nilang isa itong uri ng Peregrine Falcon, itinuturing na “fastest animals of the land,” at “birds of prey” na nasa pamilya ng Falconidae. Nakita umanong nagtamo ang ibon ng pinsala sa kaliwa niyang pakpak.

Sa kasalukuyan ay naiulat na rin umano nila ito sa Palawan Council for Sustainable Development na nakabase rin sa Munisipyo ng El Nido para umano sa pag-turn over at kaukulang pangangalaga sa nabanggit na mga buhay-ilang.

Una na ring napabalitang na-rescue ng mga residente ng nasabing bayan ang dalawang Green Sea Turtle kamakailan na ayon sa pamunuan ng DENR-CENRO-Taytay-El Nido ay patunay lamang ng mataas na kamalayan ng mga tagaroon bunga ng patuloy umanong pagsasagawa ng Community Education Public Awareness (CEPA) ng PAMO-ENTMRPA, sa pangunguna ni Protected Area Superintendent (PASu) Mildred Suza.