Provincial

Anti-Terrorism Law, kinondena ng CPP-NPA at National Democratic Front sa Palawan

By Chris Barrientos

July 04, 2020

Mariing kinokondena ng CPP-NPA at National Democratic Front sa Palawan ang nilagdaang Anti-Terrorism Law ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, July 3.

Sa inilabas na pahayag ng CPP-NPA-NDFP sa lalawigan, sinabi ni NDFP – Palawan Spokesperson Leona Paragua na sinamantala ng administrasyon ang pandemya kung saan abala ang lahat sa COVID-19.

“Ito ay inilagay sa unahan sa halip na ang panawagan para sa mass testing kontra pandemya, dagdag na pagkain at ayuda sa mga nawalan ng hanapbuhay. Mayroong mga isyu at problema ang mamamayang dapat unahin at bigyang pansin ng gobyerno,” bahagi ng pahayag ni Paragua ng NDFP – Palawan.

Inihalimbawa nito ang mga usapin sa Palawan na dapat pagtuonan ng pansin at unahin tulad ng kawalan ng maayos na sistema para sa mass testing, pagpapauwi sa malaking bilang ng Locally Stranded Individuals na hanggang sa ngayon ay nasal abas parin ng probinsya, ang patuloy na pagsakop ng China sa mga teritoryo ng bansa, ang pagtutok sa karapatan ng mga katutubo at iba pa.

Ang batas na ito rin anya ay pagpapatahimik lamang sa mga kritiko ng pangulo at pagsuway sa umiiral na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF – ELCAC at tuluyang tawagin at paratangan ang CPP-NPA-NDFP bilang terorista.

“Nananawagan ang NDFP Palawan na ibasura ang Anti-Terror Law. Ituon ang lahat ng mga rekurso at enerhiya sa paghahanap ng kalutusan laban sa COVID-19,” dagdag ng tagapagsalita ng NDFP sa lalawigan.

Matatandaan na una nang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang paglagda ng pangulo sa kontrobersiyal na anti-terror bill.

Ang paglagda ng pangulo sa Republic Act 11479 o mas kilala bilang Anti-Terrorism Act of 2020 ay ginawa sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang grupo kabilang na ang human rights body ng United Nations, Bangsamoro Transition Authority at maging ang New Peoples Army na itinuturing nang terorista ng pamahalaan.

Ayon kay Roque, ito anya ay pagpapakita lamang na seryoso ang pamahalaan sa kampanya laban sa terorismo na matagal ng problema ng bansa na siyang nagpapahirap at nagdudulot ng takot sa mga Pilipino.

“As we have said, the President, together with his legal team, took time to study this piece of legislation weighing the concerns of different stakeholders,” ani Roque.