Photo credit Narra Mayor's Office Facebook Page

Provincial

Bagong contractual workers ng Narra, umaaray na sa delayed na suweldo

By Hanna Camella Talabucon

September 27, 2019

Daan-daang bagong contractual workers ngayon sa munisipyo ng Narra ang umaaray na sa mag-iisang buwan nang delay na pasahod.

“Siyempre may mga kailangan din akong bayaran buwan-buwan na mga obligasyon,” aniya ni alyas “Divine”.

“Sa akin okay lang kung ma-delay man, kaya lang kawawa ‘yung mga kasama kong may mga pamilya tapos ilan ang anak. Iba kong kasama nangungutang na lang ng pamasahe makapasok lang sa araw-araw,” dagdag ni “Tintin,” isa ring empleyadong kontraktuwal.

Ayon pa sa mga ito, mula nang sila ay maipasok at magsimulang magtrabaho sa lokal na pamahalaan sa bisa ng approval ni Mayor Gerandy Danao, hindi pa umano sila nabibigyan ng kontrata kung kaya’t sila ay wala pang alam kung hanggang kailan sila pormal na magseserbisyo sa munisipyo.

“Hanggang ngayon wala pa pero sabi antayin lang daw,” aniya ni Tintin.

Samantala, sa impormasyon na nakalap ng Palawan Daily News sa opisina ni Mayor Gerandy Danao, tinatapos pa umano ang kontrata ng mga bagong empleyado ng munisipyo, naging dahilan din ng bahagyang delay ng suweldo ang pagsabay ng Civil Service Friendship Meet na inilunsad sa bayan ng Narra kahapon, Setyembre 25.

Ayon naman kay Jeriel Valenzuela, Hiring and Recruitment (HR) Officer ng munisipyo, plantsado na ang mga kontrata ng mga bagong contractual workers at pormal na nilang pipirmahan sa kanilang opisina upang agaran nang maasikaso ang delay na sahod ng mga ito.

“As per mayor’s office kanina, okay na, idi-distribute nalang tapos turn-over saamin para maasikaso na,” saad ni Valenzuela.

Ayon naman kay Narra Mayor Gerandy Danao, hinahanapan na nila ng pondo ang delay na sahod ng mga bagong empleyado. Hinihiling din niya ang pasensiya ng mga ito hinggil sa insidente.

Nabanggit din ng mayor na sunod-sunod ang naging gastusin ng munisipyo sa mga nagdaang buwan kung kaya’t ito ay naging isa sa mga dahilan ng pagka-antala ng sahod ng mga manggagawa.