Maliban sa mga naunang kaso sa Palawan at Marinduque, sa ngayon ay dalawang mga bagong kaso na rin ng COVID-19 positive ang naitala sa Rehiyon ng MIMAROPA, batay sa announcement ng concerned local government units.
Ang nasabing kaso ay naitala sa Lungsod ng Calapan sa Oriental Mindoro at sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Wala pang kongkretong impormasyon hinggil sa kaso sa lalawigan ng Occidental Mindoro ngunit sa Calapan, base sa impormasyong ibinahagi ng PIA MIMAROPA, ang pasyente ay isang taon at siyam na buwang gulang na babae na mula sa Brgy. Ilaya.
Ang naturang sanggol ay may travel history umano sa Alabang noong Marso 5-12. Sa kasalakuyan ay sumailalim na rin umano sa testing ang guardin ng bata at ang iba pang nakasalamuha at isinasagawa na rin ang contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha bago ipasok sa ospital at habang noong naka-confine.
Bagamat sa kabila ng kapwa na inanunsiyo ng mga kinauukulan ng nasabing mga lugar, nagpaliwanag ang DOH-CHD MIMAROPA na hindi muna sila makapagbibigay ng opisyal na pahayag sapagkat isinasapinal pa ang mga impormasyon, alinsunod na rin sa protocol ng Department of Health.
“Bagamat, nakapag-announce na po ang mga provinces na may mga positive cases po [sila], ito ay upang i-aware ang publiko upang di magkaroon ng panic at malaman nila ang mga dapat gawin po. Ito po ay na-coordinate na sa ating opisina bago sila mag-announce po. Gayunpaman po, ang ating opisina ay may sinusunod na protocol ng DOH bago mag-release ng info kung saan, kinakailangan ng concrete na details sa ganun ay maiwasan ang mali,” ayon kay DOH CHD-MIMAROPA Health Education & Promotion Officer II Geraldine Perez.
Ngunit tiniyak ni Perez na maglalabas ng official statement ang DOH kapag may kompleto na silang detalye na inaasahan umano nila bukas.
Aniya, sa kasalukuyan ay kumukuha pa rin umano sila ng kompletong datus mula sa RITM at sa mga coordinators sa nasabing mga probinsya “upang maging detalyado at opisyal ang ating mga impormasyon at mas masagawa at ma-coordinate ang mga dapat gawin lalo na sa ating mga provinces.”