Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kamakailan, naitala na ang probinsya ng Palawan ang nagtataglay ng pinakamataas ng bilang ng mga mahihirap na kababaihan sa buong MIMAROPA Region.
Ang datus ay ayon sa inilunsad na survey ng DSWD sa mga babaeng edad 18 pataas sa MIMAROPA kung saan lumalabas na 814,493, o 30% sa kabuoang 2.7 milyong bilang ng mga babaeng nasa hustong gulang sa rehiyon ay pawing mahihirap.
Sa lebel ng mga probinsya sa buong MIMAROPA, 85,539 ng mga mahihirap na kababaihan ay mga Palaweña; 50,534 ay mula sa Oriental Mindoro; 47,812 sa Occidental Mindoro; 41,065 ay mula sa Romblon; at 5,862 naman ang naitala sa Marinduque. Lumabas rin na 75% ng mga mahihirap na kababaihan ay nakatira sa mga iba’t-ibang bayan sa probinsya at 25% ay naninirahan sa mga siyudad kagaya ng Puerto Princesa.
Ayon sa DSWD, 32.4% ng mga mahihirap na kababaihan sa MIMAROPA ay nagtatrabaho bilang empleyado 28.3% ang mga nagtatrabaho sa sales at mga laborer o nangangamuhan, samantalang 26.3% ay mga unskilled workers.
Lumabas rin sa survey na 43,727 ng mga naitalang mahirap na kababaihan ay mga solo-parent at 125,355 ang mga maybahay.
Inulat din ng DSWD na 50.8% ng mga babaeng maralita ay may-asawa at 21.3% naman ang mga single.
Samantala, ayon sa DSWD, tuloy-tuloy pa rin ang mga programang pang-kababaihan at tulong na inihahatid ng kanilang ahensya sa buong MIMAROPA.
Ito ay mga tulong-pinansiyal, pagkain, tulong-medikal, transportasyon, legal at livelihood assistance, counseling, maging ang mga temporary shelter sa mga Women in Especially Difficult Circumstances.
Ang survey ay inilabas kasabay ng pagdiriwang ng 2023 National Women’s Month Celebration na may temang, “WE for gender equality and inclusive society.”