Marinduque State College (Image credit to Entranceuniversity.com)

Marinduque News

Panukalang maging unibersidad ang Marinduque State College, pasado sa kongreso

By Adrian Sto. Domingo

August 16, 2018

QUEZON CITY — Ipinasa na ng House Committee on Higher and Technical Education ang Substitute Bill No. 1281 na binalangkas ni Marinduque Lone Representative Lord Allan Q. Velasco na naglalayong gawing unibersidad ang Marinduque State College (MSC).

Sa isinagawang house committee meeting na dinaluhan nina Commission on Higher Education Officer-in-Charge Prospero de Vera at Dr. Merian C. Mani, presidente ng MSC, ang nasabing panukalang batas ay pinangalawahan ng mga kasapi ng komite.

Kung sakaling ito ay tuluyan nang maipasa sa senado at mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, tatawagin ang nasabing pamantasan na Marinduque State University (MSU) maging ang mga satellite campus nito sa mga bayan Sta. Cruz, Torrijos at Gasan.

Magkakaroon din ng kalayaang pang-akademiko at otonomiya ang nasabing paaralan kung ito ay maisasakatuparang maging isang ganap na batas. (ASD/PIA-MIMAROPA/Marinduque)