Optimistiko ang Founder ng Rider’s Safety Advocates of the Philippines at dating Regional Director ng PNP – Highway Patrol Group sa MIMAROPA na si Col. Bonifacio Bosita na may pag-asa pa upang hindi tuluyang maipatupad ang paglalagay ng ”motorcycle passenger barrier” sa mga motorsiklo para mai-angkas ang mga mahal sa buhay.
Ito ay kasunod ng pagkilos ng ilang national government officials tulad nina Senador Bong Go, Senador Bong Revilla, Cavite Governor Junvic Remulla at iba pa upang umapela sa National Inter-Agency Task Force na huwag nang ituloy pa ang implementasyon nito sa susunod na linggo.
Ayon kay Col. Bosita, nakita rin ng mga ito ang ipinaglalaban ng mga gumagamit ng motorsiklo at umaasa na lamang anya ang kanilang grupo sampu ng lahat ng motorcycle riders sa bansa na may magandang resulta bago matapos ang ibinigay na pulugit na hanggang Linggo, July 26.
“Ito pong mga ito ay hindi lang basta senador at may mga mataas na katungkulan sa ating pamahalaan bagkus lahat po sila ay riders at may sapat na kaalaman sa pagmo-motor na kahit inaantok o nakahiga, kapag tinanong sa usapang motorsiklo ay marunong at alam nila ang bagay na ‘yan,” ani Col. Bosita.
“Ang butihin nating Pangulo [Duterte] ay rider kaya sinasabi ko na ito na ang huli nating baraha. Kung sakali na mabibigo ang riding community para maresolba ito at payagan na ang gamitin na lamang ay face mask at helmet na may visor… wala na talagang pag-asa para sa usaping ito pero sana mayroon pa dahil may panahon pa naman,” dagdag ng opisyal.
At kung wala talagang mangyayaring papabor sa mga gumagamit ng motorsiklo para makapag-angkas nang walang barrier, aminado si Bosita na hindi maiiwasang may mga paglabag na magagawa ang marami nating kababayan.
“Dalawang bagay ang hindi natin mapipigil sa ating mga kapatid na riders na mabigat ang pangangailangan na maihatid at masundo ang kanilang asawa at kamag-anak sa kung saan. Una, i-aangkas ang mga ito sa ayaw at sa gusto ng iba pero pilit nilang iiwasan ang mga manghuhuli o gagamit sila ng barrier at mag-iingat na lamang sila. Ibig sabihin, ang suma nito ay pahirap talaga sa ating mga riders,” sabi pa ni Bosita.
Matatandaan na isa si Col. Bosita sa mga unang nagpahayag ng pagtutol sa implementasyon ng paglalagay ng ‘motorcycle passenger barrier’ dahil sa ilang kadahilanang siya rin namang tinutukoy ng apektadong sektor ng transportasyon.
Una na dito ang dagdag gastos para sa maraming Pilipino na hirap pang makabawi sa ngayon dahil sa pandemya. Ikalawa, ang pagiging hindi nito epektibo para matalsikan ng laway ng driver ang angkas nito sa motorsiklo dahil sa paiba-ibang direksyon ng hangin at ikatlo, ang peligrong maaaring maidulot ng barrier sa mga motorista lalo na kung iko-konsidera ang ‘aero dynamics engineering’.
Babala pa ni Bosita, kung patuloy itong ipatutupad kung saan ay wala naman anyang magagawa ang motorcycle riders kundi ang sumunod, ay tiyak anyang maraming mamamatay.
“Tiyak na tiyak na may mamamatay sa hanay ng riders dahil sa pagkakabit ng barrier sa motorsiklo o di naman kaya ay mamamatay dahil sa aksidente sa pag-iwas at pagtago sa mga nag-aabang na naatasang manghuli sa mga lalabag,” ani pa nito.