Nilinaw ng tagapagsalita ng DSWD-MIMAROPA na bagama’t libu-libo ang pamilyang nakatala sa “waitlist” ng rehiyon ay wala pa ring naisusumiteng “certification” ang alinman sa mga LGUs.
“Ang waitlisted sa buong Palawan ay 71,700 families. Pero kailangan pong certified ang listahan ng mga LGU. As of now, wala pa pong LGU from Palawan ang nakakapag-submit ng certification,” pahayag ni Chatty Decena, DSWD Regional Spokesperon sa pamamagitan ng text message.
Sa Bayan naman ng Roxas na isa sa mga lugar sa Palawan na may maraming reklamo sa pamamahagi ng SAP ay nasa 7,000 ang waitlisted family, ayon pa sa ahensiya.
“With ‘certified by LGU,’ meaning validated po nila na qualified talaga ang mga nasa waitlist,” paliwanag pa ng tagapagsalita ng DSWD sa MIMAROPA.
Ito ang mga ibinahagi ng opisyal nang tanungin kung may matatanggap pa bang SAP ang Lalawigan ng Palawan ngayong buwan.
Dahil nasa kategoryang Modified General Community Quarantine (MGCQ) na ang buong lalawigan at siyudad, kinumpirma ni Decena na wala nang SAP ang makararating dito kaya hindi na rin umano akmang gamitin pa ang ReliefAgad App.
Sa kanila pa ring opisyal na pahayag, nakasaad na hindi na naaangkop na gamitin ang nasabing App, maging sa rehiyon ng MIMAROPA dahil hindi na makatatanggap ng emergency subsidy para sa second tranche ng Social Amelioration Program ang mga nakatanggap na noong unang tranche.
“Prayoridad ng ReliefAgad App ang mga lugar na patuloy na nasailalim sa Enhanced Community Quarantine noong Mayo 1, na sila ring makatatangap ng second tranche ng emergency subsidy,” pahayag pa DSWD regional office.
Dahil umano rito ay pinasumite ng listahan ang mga lokal na pamahalaan para sa mga waitlisted o mga pamilyang kwalipikado ngunit hindi nakatangap mula sa unang tranche ng SAP. Ang listahang ito ay magiging batayan upang matukoy kung sinu-sino ang mga pamilyang mapapabilang sa karagdagang limang milyong pamilyang makatatanggap ng ayuda sa buong bansa.
Ipinaalaala pa rin ng ahensiya na Social Amelioration Card (SAC) Form pa rin ang gagamitin upang masiguro na kwalipikado ang mapapabilang sa waitlist at ito ay patototohanan ng mga ity/municipal social welfare development officer at ng mga alkalde.