Photo courtesy of Palawan Rescue 165 Program Manager Richristopher Magbanua

Provincial News

1 patay, 1 kritikal sa umano’y pananambang sa isang ambulansiya ng Rescue 165

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 01, 2020

Isang nurse ang agarang binawian ng buhay habang napaulat namang nasa kritikal na kondisyon ang drayber ng sinakyan nilang ambulansiya matapos silang paulanan ng bala ng di pa kilalang mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Sitio Stockpile, Brgy. Dumarao, Roxas, Palawan, ngayong hapon.

Kinilala ang nasawi na si Aljerome Bernardo, 51 taong gulang, may asawa at residente ng  Brgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa  habang ang sugatan naman ay si Alex dela Pena, 51, may asawa, at residente ng Brgy. Sicsican, sa lungsod ding ito. Ang iba pang kasamahan ng mga biktima ay sina Armando Quejano Carbajosa, 49 taong gulang, may asawa, residente ng San Vicente at Christopher Juanites Tamolin, 39, may asawa, at residente ng Port Barton ng nabanggit ding munisipyo.

Sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), nakasaad na naganap ang insidente dakong 3 pm ngayong  araw, Agosto 1, 2020 na kung saan, sakay ng Palawan Rescue 165  ambulance ang nasabing mga responder na pawang nakadestino sa Bayan ng Dumaran.

Batay pa sa ulat, dakong 3:10 pm kanina nang makatanggap ng tawag ang  Roxas Municipal Police Station (MPS) mula mismo sa kanilang Acting Chief of Police na si PMaj. Analyn A. Palma na ipinabatid sa kanila ang naganap na shooting incident sa So. Stockpile sa Brgy. Dumarao. Una namang napaulat ang lugar ng insidente sa Itagbiak, Roxas, Palawan ngunit nakumpirmang ito ay sakop ng So. Stockpile sa Brgy. Dumarao.

Dagdag pa ng PTC-ELCAC, sakay ang mga biktima ng nasabing sasakyan ng Rescue 165 na isang kulay puting Toyota Hi-lux at binabagtas ang daan patungong Lungsod ng Puerto Princesa  mula sa Dumaran nang makarating umano sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga di pa kilalang mga armadong kalalakihan. Nagresulta naman ito sa agarang kamatayan ng nurse na si Bernardo dahil sa tama ng baril sa kanyang dibdib habang ang drayber na si  dela Pena ay nagtamo  ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Samantala, habang isinusulat naman ang balitang ito ay wala pang inilalabas na statement ang PTF-ELCAC at ang Western Command. Nagpapatuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng mga awtoridad ukol sa insidente.