Provincial News

6 residente ng Tumarbong na kinunan ng specimen, negatibo sa COVID-19—Roxas MHU

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 15, 2020

Lubos na ikinatuwa ng Municipal Health Office (MHO) ng Bayan ng Roxas ang negatibong resulta ng swab test sa anim na residente ng Brgy. Tumarbong.

“…[N]egative ang anim [na kataong isinailalim sa swab test]; kanina 10 am lumabas [ang resulta]. Thanks God!” ani Dr. Leo Salvino, municipal health officer ng Roxas sa pamamagitan ng text message ngayong araw.

Ang nasabing mga indibidwal ay ang apat na anak ng dating LSI, ang kanyang asawa at ang nakalaro sa basketbol na pawang isinailalim sa swab test noong Agosto 11. Maaalaalang nagpositibo sa rapid test ang dalawang anak ng LSI at ang lalaking nakalaro niya sa basketbol.

Una nang pinangambahan ng mga kinauukulan ang local transmission sa Brgy. Tumarbong dahil sa nakasalamuha na ng komunidad ang isang lalaking nagpositibo sa COVID-19 pagdating ng kamaynilaan. Kaya aminado silang hindi pa rin lubos na naaalis ang pangamba sa pagkahawa sa lebel ng komunidad dahil may hinihintay pang resulta sa ibang na-swab.

“Mayroon pa rin [pangamba] pero nabawasan [na kahit paano]. Pero di tayo [dapat na] magkompiyansa kasi dumami [ang] kaso [ng COVID-19] sa Pilipinas at tuloy-tuloy ang dating ng [mga] LSI at ROF [dito sa atin],” paliwanag pa ni Dr. Salvino.

Sa kasalukuyan ay ipadadala pa lamang sa Ospital ng Palawan (ONP) ang specimen ng tatlong indibidwal  na na-swab kamakailan.

“Wait pa tayo sa mga result sa [RT]-PCR bago mag-conclude regarding local transmission,” dagdag pa niya.