Patay sa pamamaril ang isang 35 anyos na abugadong papunta sana sa kanyang hearing sa bayan ng Quezon mag-aalas siete ngayong umaga, Nobyembre 17, sa kahabaan ng highway ng Barangay Malinao, Narra, Palawan.
Ayon sa spot report mula sa Narra Municipal Police Station (NMPS), nakilala ang biktima bilang si Atty. Eric Magcamit, residente ng Puerto Princesa.
Ayon pa rin sa report, lulan ng kanyang sasakyan ang biktimang nanggaling mula sa siyudad nang parahin umano ito ng dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaking sakay ng isang motorsiklo sa kahabaan ng highway ng Barangay Malinao, Narra.
Dagdag ng report, nang pumarada na ang biktima sa gilid ng kalsada at bumaba ng kanyang sasakyan ay bigla na itong pinagbabaril ng mga suspek. Nagtamo ng dalawang tama ng bala mula sa Caliber 45 sa kanang pisngi ang biktima at isang tama sa kaliwang hita, dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa kaso.
Matatandaang apat na araw pa lamang ang nakalilipas ng mailibing ang yumaong punong-barangay ng Poblacion, Narra na naging biktima rin ng walang-awang pamamaril ng mga hindi pa rin nakikilalang mga suspek sa mismong tahanan nito gabi ng Nobyembre 5.
Ito na ang ika-apat na insidente ng pamamaril ngayong taon sa naturang bayan.
Noong Agosto 5, pinaulanan rin ng bala ang isang Vietnamese national na lulan ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng highway ng Barangay Burirao. Isang linggo lamang ang nakalipas, August 12, nang tambangan naman sa harap ng Narra Medicare Hospital ang magsasakang si Albert Magbanua.
Ayon naman kay SB member Christine Joy Mahilum, sa mensaheng ipinadala nito sa Palawan Daily ngayong araw, ay nakatakda na umanong sumalang sa susunod na session ng Sangguniang Bayang ang hepe ng kapulisan ng Narra kaugnay sa sunod-sunod na krimen sa munisipyo ng Narra.
Sinubukan namang hingan ng pahayag ng Palawan Daily ang hepe ng pulisya ng nasabing munisipyo na si PMAJ Romerico Remo ngunit tumanggi itong magbigay muna ng statement.