Walang lockdown kundi mas mahigpit na panuntunan ang ipatutupad sa Bayan ng Aborlan simula bukas, kagaya ng pagre-require ng antigen test result sa mga papasok doon.
“Hindi talaga lockdown, basta ang pinaka-target lang namin ‘yong paglabas-labas ng mga tao rito sa amin patungo sa Puerto [Princesa City ay ma-regulate namin]. Ang pinaka-basis namin doon, unti-unti na kasing pumapasok ang COVID-19 sa amin sa Aborlan; may mga kaso na kami [ng COVID-19]” pahayag ni Aborlan Municipal Health Officer (MHO) Fidel Vasquez Salazar sa phone interview ng Palawan Daily News team ngayong araw, Abril 29, 2021.
Ipinaliwanag ni Dr. Salazar na bagamat sa mga naunang panayam ng local media ay nabanggit niyang “posible” silang magpatupad ng municipal-wide lockdown ngunit napagkayarian umano nila ngayong araw na pagsumitihin na lamang ng antigen result ang lahat ng mga papasok na manggagaling sa mga munisipyo at Lungsod ng Puerto Princesa.
“Possible lang naman ‘yong unang balita [na sinabi namin], pero kanina, nag-final decision na kami na [maglabas na lamang ng Supplemental] Guidelines. ‘Yong ginawa namin na prescribing guidelines para roon sa inter at intrazonal activities sa…loob ng munisipyo para malimitahan namin ‘yong pagkalat nga [ng COVID-19],” aniya.
Ayon pa sa MHO ng Aborlan, sa kasalukuyan ay nakapagtala sila ng tatlong bagong kaso ng COVID-19 na galing sa Puerto Princesa, kaya umakyat na sa lima ang active cases ng munisipyo habang sa kabuuan naman ay halos 20 na ang kanilang naitala mula Enero hanggang ngayon.
“Hindi ka pwedeng papasukin ng [anumang] barangay [dito] kung wala kang [hawak na] antigen test result,” dagdag pa ni Dr. Salazar bilang bahagi aniya ng paghihigpit.
Nilinaw naman ng opisyal na mananatiling walang problema sa galaw ng mga residente ng bawat barangay bagamat tinuran niyang “activated ang aming mga barangay checkpoint.”
“Kasi kilala naman nila ang mga nasasakupan nila. Bibigyan ka ng oras ng pagpunta na lumabas ka ng barangay,” ani Dr. Salazar.
Wala naman umano silang ilalabas na passes dahil bawal pumunta ng ibang munisipyo o sa siyudad ang kanilang mga mamamayan hangga’t maaari.
“Pero kung lilipat ka lang ng ibang barangay, may logbook doon, ire-register niya kung anong oras ka lumabas–two hours lang maximum ibibigay sa’yo. Kapag lumagpas ka ng two hours, malalaman kasi nila na lumabas kang [papuntang Puerto Princesa] City,” aniya. Ito ay sa kadahilanang ang Aborlan ang “gateway to the south” dahil matapos ang pinakahuling barangay ng siyudad ay sila ang unang munisipyo sa sur ng Palawan.
Kaugnay nito, ang sinuman umanong magpopositibo sa antigen test na galing sa ibang munisipyo o sa siyudad ay iho-hold muna ng LGU Aborlan upang makipag-ugnayan sa kung saan sila galing upang malaman kung sa Aborlan sila ia-isolate o sa kanilang lugar.
Kapag taga-Aborlan naman ay agad silang ia-isolate at magsasagawa ng RT-PCR upang kumpirmahin kung positibo sila sa COVID-19. Isasagawa na rin umano agad ang pagko-contact tracing sa kanilang mga close contact.
Mananatili umano sila sa quarantine facility sa loob ng 14 days at kapag may sintomas pa ay dagdagan ito ng pito pang araw o sa kabuuang 21 days. Kapag gumaling ay bibigyan ng sertipikasyon at wala na rin aniyang home quarantine.
MGA DADAAN PAPUNTANG SUR
Ang mga patungo naman umano ng southern Palawan ay mananatili pa ring makararaan.
Magse-set up aniya sila ng checkpoint sa northernmost tip ng kanilang bayan sa Brgy. Isaub at sa southern part naman ay sa Brgy. Plaridel upang i-check ang lahat ng mga dumaraang mga sasakyan kung saan sila pupunta.
Kapag sasabihin umano ng mga pasahero na dadaan lamang sila papuntang Narra ay diretso lamang dapat ang kanilang gagawin. Kapag sasabihin naman aniya nilang pupunta sila sa palengke o Paleco sa Aborlan upang magbayad ay titimbrihan ang bantay doon kung mayroong dalang antigen test result ang mga bababang galing ibang lugar.
PAGDATING SA APOR
Hinihikayat din ng LGU ang mga APOR na residente ng Aborlan na kasalukuyang nagtatrabaho sa lungsod na huwag munang umuwi.
“Yong mga APOR na nagtatrabaho sa Puerto [Princesa], idi-discourage namin, as much as possible, na ‘wag silang mag-uwian [rito] o mag-advise [na lamang] sila na mag-work-from-home,” ani Dr. Salazar.
Kapag umuwi naman umano ay hahanapin din sila ng antigen test result at kung wala ay papupunta muna sila sa RHU upang kumuha nito bago pauuwiin sa kanilang barangay.
“Nakababahala na [kasi] masyado. Baka mamaya, maging pareho na kami ng rate ng kaso ng outside na [mga munisipyo at siyudad] kapag hindi kami nagbantay.” komento pa ng doktor.
SA MGA UUWING LSI
Nananatili rin umanong pupwedeng umuwi sa Bayan ng Aborlan ang kanilang mga LSI na manggagaling sa ibang lalawigan o kahit sa NCR plus. Kailangan lamang nilang sumailalim sa 7-day mandatory quarantine sa quarantine facility at kapag nagnegatibo sa antigen test ay karagdagang pitong araw uli na home quarantine.
Nakiusap na lamang ang opisyal sa publiko na makinig sa kung anuman ang mga ipatutupad sa kanilang mga checkpoint. Dapat aniyang maunawaan ng publiko na ang paghihigpit ay para rin sa kabutihan nila at upang hindi tuluyang lomobo ang COVID-19 transmission sa Aborlan.
Discussion about this post