Photo by Hanna Camella Talabucon / Palawan Daily News

Provincial News

BM Demaala, kinuwestiyon ang delay na pasahod ng tinatayang 345 casual workers ng munispyo ng Narra

By Hanna Camella Talabucon

October 14, 2019

Magdadalawang-buwan ng walang sahod ang tinatayang 345 bagong casual employees ng munisipyo ng Narra dahil umano sa kakulangan ng pondo ng lokal na munisipyo.

Ito ang problemang itinalakay ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra sa kanilang pormal na session Lunes, Oktobre 14.

Sa kasalukuyan, ayon kay BM Clarito “Prince” Demaala IV, miyembro ng Sangguniang Bayan, mayroong 345 bagong casual employees ang munisipyo na isa at kalahating buwan ng nag-aantay ng sahod mula sa lokal na pamahalaan.

Napag-alaman din sa lokal na session na ang iba sa mga ito ay wala pang pormal na mga kontrata, bagaman ang mga ito ay pumapasok na sa mga lokal na opisina ng munisipyo.

Kinuwestiyon rin ni Demaala ang malaking bilang ng mga bagong contractual na empleyado sa munisipyo na inaprobahan ni Mayor Gerandy Danao.

“Saan natin sila pagta-trabahuin? Ang dami nila masyado. But it’s too late. Pumapasok na sila ng wala pa silang kontrata,” ani ni Demaala.

Ayon naman kay SB Member Christene Joy Mahilum, mula sa nakaraang pulong nila kasama ang alkalde, ang iilan raw sa mga ito ay “volunteer workers” lamang ayon kay Mayor Danao, na wala umanong inaasahang sahod mula sa munisipyo.

“May direktiba na galing sa HR, irereview pa. Nag-sap din kami together with Mayor noong October 9 pati mga department heads concerned kasama. Ang sabi niya volunteer naman daw ang iba doon,” ani ni Mahilum

“Sa ngayon, ang magagawa nalang natin siguro ay ‘yung napagtrabahuan na, kailangan talaga nating paswelduhin,” dagdag niya.

Inalmahan naman ni Demaala ang pahayag sa dahilang aabot sa tinatayang P2.2 milyon sa loob lamang ng isa at kalahating buwan ang lumalabas na kinakailangang pondo upang mapasuweldo ang mga bagong contractual workers, ayon sa report ng Municipal Budget Officer na si Edna Escobañez.

Ayon din kay Demaala, ang halagang ito ay katumbas na nang apat na buwang pasahod ng pamahalaan sa mga contractual workers noong nakaraang taon na nasa tinatayang 270 lamang ang bilang.

“This is a very huge amount of money. This is not just P100,000. This is P2.2 million for 1.5 months. Imagine that. Multiply natin sa 12 months yan, ganoon ang kailangang yearly budget sa pasahod lang ng contractuals,” hayag ni Demaala.

Samantala, ayon naman kay Mahilum, ayon pa din sa pulong na ginanap kasama ang alkalde, ipinaalam umano ni Mayor Danao na hanggang Oktobre 15 na lamang magtatagal ang iba sa mga bagong empleyado.

“We asked for the statement of the local chief, hanggang October 15 na lang, hindi niya na papapasukin ‘yung iba doon,” aniya ni Mahilum.

Ayon naman kay Demaala, tila pawang nag-aaksaya lamang ng pondo ang lokal na munisipyo kung tatanggalin din lamang agad ang iba sa mga ito. Dagdag niya, kung sakali mang magbawas ng tao ang mayor, kinakailangan pa din umanong mag-iwan naman ng tinatayang 100 katao upang ma-sustain ang trabaho ng bawat opisina.

“Hindi ba tayo nagsayang ng pera ng gobyerno dahil nagpasuweldo tayo ng P2.2 million sa 1.5 months tapos tatanggalin din natin ang tao? Walang continuity of workforce,” ani ni Demaala.

Inamin naman ni Escobañez na sa ngayon, ay wala pang nakikitang ibang pagkukunan ng pampa-sahod para sa Oktobre 16 hanggang December 31 para sa mga mari-retain na empleyado sa munispyo.

“Wala talagang nakikitang source na puwedeng pagkunan. Sa computation ko nang October 16 to December 31 ang kailangan pa natin ay nasa P5.2 million. ‘Yan ang total na kailangan natin para mapasuweldo natin sila hanggang December,” aniya ni Escobañez.

Kinuwetisyon din ni Demaala ang pinagkunan ng tinatayang P2.2 milyon na ipapasahod sana ngayon sa mga contractual workers.

“Saang kamay ng diyos natin kukunin ang pampa-suweldo? ‘Yung isang augmentation niyo amounting to P1M plus, at mayroong 600K na ipinopondo para sa contract of services, alam niyo ang source ng fund ninyo na pinagkukunan? Ang medicines.

Source of funds ninyo ay ang medisina ng munisipyo. Aid of barangay tanods ang kinuha niyo, at inilipat sa pampa-suweldo. Priority natin sa munispyo ang kalusugan ng tao. Priority din natin ang mga barangay tanod natin. Bakit napilitan kayong gawing source of fund ninyo para lang magpa-suweldo ng taong kakaunti kumpara sa kapakan ng nakararami?” hayag ni Demaala.

Dagdag ni Demaala, hindi lamang dapat pampa-suweldo ang tinututukan ng administrasyon, bagkus gayundin ang kapakanan ng nakararami.

Tingin din niya, kalabisan na umano ang P2.2 milyong halagang pampa-sahod sa loob lamang ng isa at kalahating buwan. Dagdag pa niya, noong nakaraang taon, nasa tinatayang P5-6 milyon lamang ang halaga ng pondong iginugugol ng pamahalaan na pampasahod sa mga contractual sa loob ng isang taon.