Provincial News

BM Maminta: Isyung kinakaharap ni DepEd Superintendent Bayubay, hindi makakaapekto sa pagsisimula ng klase

By Gilbert Basio

October 04, 2020

Hindi makakaapekto sa pagsisimula ng klase o pasukan ang kinakaharap na issue ni DepEd Palawan Schools Division Superintendent Natividad Bayubay. Ito ang tahasang binanggit ni Board Member Ryan Maminta sa panayam ng Palawan Daily News.

Aniya, kung makaapekto ito ay hindi gaanung malawak dahil ang tunay na naghahanda at umaayos sa pagsisimula ng klase ay mismong mga guro at mga namumuno sa ibat ibang paaralan sa Palawan.

“Sa tingin ko hindi ito makakaapekto. Ang apekto naman nito ay hindi ganun ka lawak sapagkat ang tunay na naghahanda ng pagsisimula sa klase sa October 5 ay yung sa laylayan ng departamento, yung mga guro mismo at yung mga heads nila sa ibat ibang paaralan sa buong lalawigan,” ani Maminta.

Nilinaw din ng opisyal na limitado ang kanilang kakayahan sa Sangguniang Panlalawigan dahil ang may derektang superbesyon sa reklamo ay ang tanggapan ng DepEd.

“Wala naman kami direct supervision at control sa Department of Education dito sa division ng Palawan. Nagkataon lang ang Sangguniang Panlalawigan ay dinulugan ng problema,” saad pa nito.

“Isa sa tinitingnan natin ay daglian lang e-endorso sa regional office at sa departamento ng edukasyon at doon sa iba pang opisina na binabanggit sa kanilang liham,” dagdag pahayag ni Maminta.

Kung matatandaan naging mainit ang usapin ng banggitin at basahin ni Board Member Maminta noong nakaraang regular session ang sulat  kaugnay sa akusasyon ng paglulustay ng pondo sa tanggapan ng DepEd Palawan at pagyurak umano sa pagkatao at dignidad ng mga empleyado at opisyal sa kagawaran.