Provincial News

Buy-bust Op sa Balabac, muntik nang mauwi sa pananaga ng suspek

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 14, 2020

Isang negosyanteng suspek sa illegal drugs ang ilang beses umanong tinangkang tagain ang poseur buyer sa ikinasang buy-bust operation ng PNP sa Bayan ng Balabac noong ika-12 ng Hunyo.

Kinilala ang suspek na si Madsaid  Elahan Tontong alyas “Hji Puti,” kasal, 38 anyos at residente ng Sitio Marabon, Brgy. Bancalaan, Balabac, Palawan.

Sa ibinahaging spot report ng Palawan Police Provincial Office (PPO), bandang  4 pm ng nabanggit na petsa nang ikasa ng Balabac MPS, sa pangunguna ni PMaj. Victor  Ibañez  Sumondong, ang isang anti-illegal drug operation sa pakikipag-ugnayan naman sa PDEA-Palawan sa Sitio Kamilit, Brgy. Pandanan, Balabac, Palawan.

Sa nasabing isinagawang buy-bust operation, matagumpay na nakabili ng pinaghihinalaang shabu ang nagpanggap na buyer ng pulisya ngunit tila naramdaman umano ng suspek na nakikipagtransaksiyon siya sa mga alagad ng batas kaya agad siyang kumuha ng  itak at tinangkang tagain si Pat Ottom ng makailang beses na maswerte namang  nakaiwas sa mga pag-atake. Sa puntong  iyon ay kumilos na ang isang pulis na si PCpl. Jarib S. Hamid at binaril ang suspek sa paa.

Nakumpiska mula sa naarestong indibidwal ang  isang P500 na ginamit bilang buy-bust money, isang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu (nabili),

isang plastic accessory kit na naglalaman ng isa pang pakete ng umano’y shabu at hiwalay pang limang pakete; isang kulay itim na used foil, anim na nakarolyong foil, dalawang lighter na kulay pula at bughaw, isang P20 na papel, limang pirasong kulay puting drinking straw at ang itak na ginamit sa tangkang pananaga na may habang 19 inches.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa paglabag sa mga probisyon ng Republic  Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”