Negatibo ang COVID-19 test result ng isang pasahero ng eroplano ni Governor Jose Chaves Alvarez na umuwi dito sa lungsod ng Puerto Princesa nitong nakaraang lingo.
Ito ang inihayag ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng isang Press Release na inilabas ng Provincial Information Office.
Base sa ulat na inilabas ng Palawan PIO, sinabi ni Provincial Health Officer, Dr. Mary Ann Navarro na natanggap na nila ang resulta ng confirmatory test ni Marvi Trudeau mula sa San Lazaro Hospital at negatibo ito.
Matatandaan na si Trudeau ay una nang nag positibo sa rapid test dahil sa antibodies sa kanyang katawan kung saan ipinaliwanag din ni Navarro na wala namang dapat ikabahala ang mga Palaweño dahil hindi anya ito nakakahawa bagkus ay maaari pang mapagkunan ng ‘blood plasma’ na makatutulong sa pagpapagaling sa COVID-19 confirmed patients.
Ikinatuwa naman ng gubernador ang resulta ng confirmatory test ni Trudeau na patunay lamang anya na hindi ito delikado at taliwas sa reaksyon ng netizens tulad ng kumalat sa social media.
Gayunpaman, kailangan paring matapos ng apat na sakay ng eroplano ang 14-day home quarantine alinsunod sa ipinatutupad na health protocols ng National Inter-Agency Task Force.