Mahigpit na binabantayan ng Coron PNP ang mga boundary papasok at palabas ng Barangay Tagumpay sa nasabing bayan matapos itong isailalim sa 14 days lockdown dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng isang 82 anyos na babae at sinasabing kaso ng “local transmission”.
Ayon kay Police Major Thirz Starky Timbancaya, ang hepe ng Coron MPS, kagabi pa lamang ay agad nilang inilatag ang mga checkpoint upang ma-isolate muna ang mga residente ng Barangay Tagumpay at maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus sa komunidad.
Ito naman anya ay pansamantala lamang lalo pa’t ngayong araw lamang nasimulan ang contact tracing upang matukoy ang mga nakasalamuha ng pasyente bago pa man ito ma-admit sa Culion Sanitarium General Hospital.
“Mayroon tayong checkpoint sa may Sitio Caligasgasan hanggang doon sa papuntang Maquinit Hot Spring at ang pinaka hot zone talaga ay sa area ng front ng gate ng pier. ‘Yan po talaga ang hot zone dito,” ani Major Timbancaya sa panayam ng Palawan Daily News.
“Walang binago sa curfew kundi totally lockdown lang ang Barangay Tagumpay kaya ang paki-usap namin sa mga kababayan natin dito na talagang tiis lang dahil para naman ito sa kaligtasan ng lahat,” dagdag pa ng opisyal
Samantala, sinuman ang mahuling lalabag ipinatutupad na lockdown ay tiyak anyang may kakaharaping kaso at parusa alinsunod sa umiiral na bagong batas may kinalaman sa hindi pagsunod sa mga kautusan ng pamahalaan at pagsuway sa kampanya kontra COVID-19.