Sa pagbaba ng lalawigan ng Palawan sa general community quarantine (GCQ), nagpapatuloy ang mga otoridad sa pagbibigay-paalaala sa kanilang mga nasasakupan ukol sa kahalagahan ng patuloy na pag-iingat laban sa Coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa post ng El Nido Municipal Police Station sa kanilang facebook page kahapon, Mayo 4, nakasaad dito na muli silang nagsagawa ng “Intensified Public Address System.”
Bandang alas otso ng umaga sa nabanggit na petsa, pinangunahan ni PMaj. Bronson Caramto, acting Chief of Police ng El Nido MPS, ang public awareness campaign sa mga residente ng munisipalidad sa pamamagitan ng paggamit ng megaphone at inanunsiyo ang mga safety reminders at preventive measures kaugnay sa umiiral na community quarantine bunsod ng Covid-19.
“The said activity repeatedly conducts by this station. Ended at about 9:30 AM of the same date with a satisfactory result,” ang nakasaad pa sa post ng El Nido MPS PCR na naka-tag sa lahat ng mga istasyon ng pulisya sa norteng bahagi ng lalawigan ng Palawan, sa south at maging ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Matatagpuan ang himpilan ng pulisya ng El Nido sa Brgy. Masagana at maaari naman silang makontak para sa anumang concern sa numerong 0998-598-5864. Sa social media naman ay maaari silang maabot sa El Nido Mps Pcr para sa facebook at El Nido Mps para sa Tweeter.
Samantala, sa pagpasok ng Palawan sa GCQ simula Mayo 1 ay nakapagpulong na rin ang municipal Inter-agency Task Force kung saan kabilang ang El Nido PNP, nagbigay din sila ng libreng sakay sa ilang commuters sa ilalim ng “Good Deeds/Libreng Sakay Program” ng PNP at relief goods sa ilang residente ng nasabing munisipyo na apektado ng krisis, gayundin ang patuloy na mahigpit na pagbabantay sa kanilang mga checkpoint alinsunod sa umiiral na batas.