Isang 29-anyos na lalakeng guro ang nanghalay umano ng kanyang isang menor de edad na babaeng estudyante pasado 2:00 AM noong Biyernes, Disyembre 13, sa loob mismo ng classroom.
Ayon sa report na nakalap ng Palawan Daily News mula sa mga awtoridad ng Balabac Municipal Police Station (MPS), kinilala ang suspek na si Rogen Villaran na kasalukuyang nagtuturo sa Balabac National High School habang ang menor-de edad na biktima ay itatago ng Palawan Daily News sa alyas na “Ana.”
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang umano’y panggagahasa matapos ang ginawang Christmas Party.
Dahil sa maselang kaso, hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang Balabac MPS kung paano naganap ang panghahalay kay “Ana” sa kanila mismong classroom na pinagdausan ng Christmas party. Nasa Grade 9 pa lamang ang dalagita.
Agad namang naaresto ang suspek matapos magsumbong mismo ang biktima sa tanggapan ng mga awtoridad.
Ang impormasyon ay kinompirma ding positibo ni PMAJ Ric Ramos, spokesperson ng Palawan Provincial Police Office (PPPO).
Sa kasalukuyan ay hawak na ng mga awtoridad ang suspek na maaring humarap sa mga kasong paglabag ng R.A 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997 at R.A 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.