Sumabak ang iba’t ibang emergency rescue unit mula sa mga munisipyo ng Palawan kasama ang Palawan Rescue 165 sa 2nd Rescue Olympics na isinagawa noong ika-24 hanggang ika-25 ng Hulyo taong kasalukuyan sa Puerto Princesa City Baywalk.
Dumaan sa matinding pagsubok ang bawat kalahok sa nasabing gawain. Ilan rito ay ang pagligtas ng biktima sa isang sunog at sa gumuguhong istraktura kasabay ng paglalapat ng pang-unang lunas sa mga biktima upang maligtas ang kanilang buhay.
Layon ng naturang aktibidad na masuri at maipakita ang kakayahan ng bawat emergency rescue unit sa buong lalawigan ng Palawan gayon din ang pagpapalakas ng kanilang samahan. Kabilang sa mga nakilahok sa rescue olympics ay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng mga bayan ng Narra, Quezon, San Vicente, Rizal, Roxas, Taytay, Sofronio Espanola, Brookes Point, Berong Nickel Mining Corporation ERT, SM Emergency Rescue Team at Petron Terminal.
Ang dalawang araw na aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktiba ni Gob. Jose Ch. Alvarez, katuwang si Bise Gob. Dennis M. Socrates kasama ang mga munisipyo na sumusuporta sa ganitong mga aktibidad.
Ang Palawan Rescue Olympics na isinasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) Palawan ay bahagi ng paggunita ng National Disaster Resilience Month 2019.
Sa kaugnay na balita, pinangunahan ng PDRRMO ang Provincial Summit on Disaster Risk Reduction and Management for local DRRM Officers and Municipal Officials of the Province noong ika-26 ng Hulyo sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.
Nasa isang daang mga Local Disaster Risk Reduction Management Officers ang dumalo sa naturang pagtitipon kasama ang ilang alkalde ng mga munisipyo. Layon nito na mapaghandaan ng mga munisipyo ang mga kalamidad na posibleng kaharapin ng lalawigan dahil narin sa pabago-bagong takbo ng panahon.
Ilan sa mga tinalakay dito ay ang mga paghahanda ng bawat DRRMO dulot ng pabago-bagong panahon na nagiging sanhi ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa at sa maaaring kaharapin ng lalawigan kung maapektuhan ito. Gayon din ang kahalagaan ng bawat miyembro ng DRRMO at ang partsipasyon ng bawat isa upang mas mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan sa lalawigan.