Isang karton na naglalaman ng “mystery items” mula sa isang online shopping company ang natagpuan ng isang concerned citizen noong Martes, ika-21 ng Setyembre, 2021, sa Barangay Plaridel, Aborlan, Palawan.
Ayon kay Luke Santiago Jr., natagpuan umano nitong bukas na at pinagpilian ng mga residente na naunang nakakita ng nasabing karton, maging ang mga ilang packages na laman nito.
Dagdag niya, wala umanong mga tracking number ang mga parcel at pinaniniwalaan nitong nasa karton ang detalye ng mga package subalit nang matagpuan umano niya ito ay wala na rin ang resibo sa karton na naglalaman ng impormasyon ukol sa nasabing parcel.
Nananawagan at hinahanap ni Santiago sa social media ang rider ng naturang mga packages at sinabi nitong bagaman nabuksan na ng mga naunang nakakita ang ilan sa mga packages ay may iilan pa rin namang hindi pa bukas.
Ayon naman sa iilang mga netizens na nakakita ng post ni Santiago, pagdating sa mga ganitong insidente, mananagot ang rider ng naturang karton at siya rin ang magbabayad sa mga nabuksan na parcel.