Provincial News

Isang OFW sa Bataraza na umuwi kamakailan, lumabas na reactive sa rapid test

By Hanna Camella Talabucon

June 05, 2020

Kinumpirma ng Provincial Health Office sa pamumuno ni Dra. Mary Ann Navarro sa kanilang live press briefing nung araw ng Huwebes, June 4, na isang Returning Overseas Filipino (ROF) ang lumabas na “Reactive” sa isinagawang rapid testing ng mga miyembro ng IATF kahapon sa bayan ng Bataraza, Palawan.

Inanunsiyo ito sa live press briefing ng Provincial IATF kung saan sinabi ni Navarro na ang pasyente ay nagmula sa bayan ng Bataraza at isa sa mga tinaguriang ROF na lumapag sa lalawigan kamakailan lamang.

Sinabi rin ni Navarro na wala umanong dapat ikabahala ang publiko sapagkat ang nasabing pasyente ay mayroon nang IgG antibodies.

“Ni report din sa akin yan ng MHO, tapos ang advise ko lang ay i-swab, pero ‘yung nakita dun sa test reactive na sya my IgG na so hindi siya delikado dahil kung saka-sakali recovered na sya, ganun,” ani ni Navarro.

Ang ibig sabihin nito, ayon kay Navarro, ay matagal nang na-exposed sa COVID-19 ang pasyente ngunit nalabanan umano ito ng kanyang katawan.

“Dati na syang expose kaso nilabanan lang ng katawan nya, so may antibodies na siya,” ani ni Navarro.

Sa ngayon ay nasa isang quarantine facility na ang pasyente sa isang pasilidad aa bayan ng Bataraza. Nilinaw din ni Navarro na mahina ang tiyansang makahawa ang nasabing pasyente.

“Hindi naman, ‘yung nakita dung resulta di yun makaka-infect, so hindi naman nakakatakot, naka separate naman sya, naka-quarantine facility naman sya, yun yung maganda ang naka-quarantine facility na sya,

“Sa ngayon ay mas pinaiigting ng Provincial IATF ang pagbabantay lalo na’t sa listahan ng governors office, umaabot sa apat na libo ang kabuuang bilang ng mga ROF at LSI na nais makauwi ng Palawan.

“‘Yung sa list ng governors nasa 4,000 pa raw, mas nag-babantay tayo ngayon, mga tumawag sa hotline, magkahalong ROF at LSI,” ani ni Navarro.

Nanawagan din si Navarro sa mga LGU na magkaroon ng mental health counselors upang matulongan malabanan ang depression o matinding kalungkotan sa mga kababayan na naka-quarantine.

” Ang medyo na encounter natin na problema ‘yung lungkot,’ yung depression, ‘yung andun na siya di pa siya makauwi, ini-emphasize namin na kung umuwi ka may risk’ yung pamilya mo na mahawa. Kaya ngayon nanawagan kami na kailangan may mga mental counselors tayo doon sa mga quarantine facilities, para may makausap, or gumawa ng paraan ‘yung facility na mag video call sa mge relative, kasi hindi puwedeng dumalaw, ” ani ni Navarro.