Provincial News

Lalaking nagmula sa Cebu, nakapasok sa Coron

By Chris Barrientos

April 26, 2020

Kinumpirma ng PNP Coron ang balitang may isang taong nakapasok sa Sitio Bakawan sa Barangay 1 ng nasabing bayan na mula sa lalawigan ng Cebu.

Sa pakikipag-ugnayan ng Palawan Daily News kay Police Major Thirz Starky Timbancaya, ang chief of police ng Coron PNP, sinabi nitong totoo ang balita pero wala na anya ito sa lugar at lumipat na sa Sitio Delian na isang isla.

“Actually nakaraan pa ‘yan at bago lang namin nalaman at from Cebu yata ‘yung tao na nakapasok dito sa Coron kaya lang nasa isla na siya ngayon sa Delian at na-contact narin namin ang barangay officials doon at i-hold na s’ya,” ani Timbancaya sa interview ng Palawan Daily.

Sinabi pa ng opisyal na nagtataka lang sila kung paano ito nakalusot at nakapasok sa Coron gayung mahigpit naman anya ang seguridad na kanilang ipinatutupad.

Gayunpaman, dahil sa nalusutan ay patuloy na lamang sila sa contact tracing kasama ang lokal na pamahalaan at health authorities para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

“Hindi namin alam kung paano s’ya nakalusot sa Maritime at Coast Guard kasi kami sa daan kami pero andyan na ‘yan kaya “partially lockdown” ngayon ang Sitio Bakawan sa Barangay 1 at pinayuhan namin ang mga tao doon na kung pwede ay ‘wag na muna lumabas sa bahay-bahay nila,” dagdag ng opisyal.

Matatandaan na ang lalawigan ng Cebu ay may mga naitalang kaso ng positibo sa COVID-19  kaya sinumang may travel history dito ay kailangang sumailalim sa home quarantine.