Naramdaman umano ng ilang residente ng Cuyo, Palawan ang lindol na naganap sa Antique bandang alas diyes ng gabi kahapon, Mayo 4.
Sa post ng gurong si Archie Barone na dati ring kagawad ng media, binanggit niyang ito ay base sa post ng ilang residente at kanyang mga kakilala sa nasabing munisipyo.
Dahil mula rin sa Bayan ng Cuyo, binanggit ng gurong si Barone na posibleng maramdaman ang mga kunting pagyanig dahil malapit lamang ang Cuyo island sa Antique.
“Dati pa lamang ay nakararanas na ng kaprehong insidente ang nasabing isla kapag nagkakaroon ng mga pagyanig ang mga kalapit na lugar,” ayon pa ni Barone sa kanyang social media post.
Kinumpirma naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST) sa pamamagitan ng kanilang post sa kanilang facebookpage ang nangyaring pagyanig kahapon ng gabi.
Base sa Earthquake Information No. 1 ng ahensiya kahapon, bandang ika-10:12 ng gabi, isang magnitude 4.8 na lindol umano na may lalim na 065 kilometro ang kanilang naitala sa Barbaza, Antique.
Ang ilan pa umanong reported intensities ay Intensity III sa San Jose de Buenavista, Antique habang Intensity I naman sa Lezo, Aklan. Sa instrumental intensities ay Intensity III sa Malay at Malinao, Aklan at sa Culasi, San Jose de Buenavista, Antique; Intensity II sa Bago City, Negros Occidental at Intensity I naman La Carlotta, City, Negros Occidental at sa Iloilo City.
At bagamat nasa “Ring of Fire” ang Pilipinas, ayon sa mga kinauukulan ay ligtas ang lalawigan ng Palawan mula sa lindol sapagkat hindi ito kasama sa mga lugar sa bansa na mayroong fault line.
Discussion about this post