Lumabas na dalawa ang mga biktima isa ang target at isa ang nadamay sa pananambang ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem pasado 8:00 AM ngayong araw ng Miyerkules sa Carandang Road, Barangay Antipuluan, Narra, Palawan.
Ito ang kinompirma sa Palawan Daily ng Narra Municipal Police Station sa panayam sa kanila kaninang umaga.
Kinilala ang mga biktima na si Albert Magbanua, 35, ang main target na magsasaka ng mga suspek, at si Frederick Ortiz, 25, na volunteer health worker na nadamay sa pananambang.
Sa breaking report ng Palawan Daily kaninang umaga, pinahayag ni Narra Kagawad Ceferino “Pinoc” Genovea na pitong bala ang tinamo ng biktima ngunit base sa kompirmasyon ng mga kapulisan ng Narra na siyang nagimbestiga, isang bala lang umano ang tumama sa kanang dibdib ni Magbanua, dahilan kung bakit siya ay nasa kritikal na kondisyon sa kasalukuyan at inendorsong isugod sa isang ospital sa siyudad ng Puerto Princesa.
Ayon naman sa panayaman ng Palawan Daily kay Jeffrey Malagday, chief administrator ng Narra Medicare Hospital, kinompirma nito na tuloyan ng binawian ng buhay si Ortiz at ang mga labi nito ay nasa morgue na ng kanilang pasilidad sa mga kasalukuyan.
Si Magbanua umano ay nanggaling sa ospital ng Narra upang magpa-examine ngunit walang kaalam-alam na ito ay tatambangan sa harap din mismo ng pagamutan.
Samantala, si Ortiz naman ay nanggaling rin sa kanilang ospital at palabas na sana ng matamaan ng bala ng mga suspek sa nasabing pananambang.
Matatandaang ito na ang pangalawang krimen ng pamamaril sa bayan ng Narra sa buwan na ito. Noong makalipas na linggo, isang Vietnamese national rin ang tinambangan ng mga di pa nakikilalang gunmen na lulan rin ng motorsiklo sa Barangay Burirao ng naturang munisipyo.