Ang nalulunod na motor banca ni Regino Celedonio matapos siyang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin. Sinagip sya ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Rio Tuba, Bataraza, Palawan (Philippine Coast Guard Photo)

Provincial News

Motor banca, lumubog; sakay na lalaki, nasagip ng coast guard

By Jenny Medina

September 07, 2018

RIO TUBA, BATARAZA — Isang lalaki na sakay ng motor banca na lumubog sa karagatang nasasakupan ng munisipyo ng Bataraza ang nasagip ng mga tauhan ng coastguard substation sa Rio Tuba matapos siyang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin noong araw ng Lunes, Setyembre 3.

Sa report ng Philippine Coast Guard, ang nasagip ay kinilalang si Regino Celedonio, 39 anyos at residente ng Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba.

Si Celedonio ay sakay ng motor banca na may pangalan na “Rens Edward” at nagmula ito sa Sitio Marabahay upang magtungo sana at bisitahin ang kanyang mga kamag-anakan sa Barangay Bancalaan sa Bayan ng Balabac.

Ang nalulunod na motor banca ni Regino Celedonio matapos siyang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin. Sinagip sya ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Rio Tuba, Bataraza, Palawan (Philippine Coast Guard Photo)

Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang PCG matapos na humingi ng tulong ang asawa ni Celedonio na si Jojie Bustamante.

Nabatid na nasa maayos na kondisyon si Celedonio ng masagip ng mga tauahan ng PCG.

Hinila naman ng rescue boat ng coastguard ang bangka nito na nalubog sa tubig patungo sa kanilang lugar sa Sitio Marabahay.

Mahigpit na nagpaalala ang PCG sa mga mangingisda na huwag ng pumalaot kung masama ang panahon.