Provincial News

OIC PEO, tiniyak na tinanggal na ang drayber ng heavy equipment na dumaan sa baybayin ng El Nido

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 31, 2020

Tiniyak ng officer in charge (OIC) ng Provincial Engineering office (PEO) na inalis na sa trabaho ang drayber ng backhoe na napabalitang nag-shortcut sa baybayin sa Bayan ng El Nido sa halip na dumaan sa tamang daanan.

“Hora mismo…pagbaba niya tinanggal ko na [siya sa trabaho],” ayon kay OIC Provincial Engr. Saylito Purisima sa panayam ng Palawan Daily News (PDN).

Ani Engr. Purisima, hindi niya alam kung bakit dumaan sa baybayin ng Brgy. Corong-corong, El Nido ang nasabing drayber gayung wala naman siyang ganoong kautusan.

“I don’t know kung ano ang pumasok sa isip niya….Siguro, gusto lang niyang mag-shortcut,” ayon pa sa pahayag ng pinuno ng PEO at Provincial Equipment Pool Office (PEPO) na nasa ilalim din ng PEO.

Iginiit niyang, ang ibinigay niyang general instruction sa nasa 341 operators ng iba’t ibang equipment sa buong Lalawigan ng Palawan na kapag nagkamali  ay agad na sisibakin sa trabaho.

“Alam n’yo naman ang mga operator, iba-iba ang orientation kung paano pinapalaki ng pamilya nila. Sometimes, I cannot blame them but anything that is non-compliant to our general norms or standard on doing things done, ay talagang tinatanggal ko ‘yan. Wala akong sinasanto riyan,”  aniya.

May katagalan na rin umanong operator ng heavy equipment ang nasabing indibidwal na na-assign pa sa ginagawang pier sa San Fernando, El Nido, bago nadestino sa isang water project ng Pamahalaang Panlalawigan sa Brgy. Corong-corong sa nasabi ring munisipyo.

“Ayaw kong magkaroon tayo ng mga dishonest na government workers…at hindi ko tino-tolerate ang mga masasamang gawain,”  dagdag pa niya.

Dahil dumaan sa dagat, agad na pinahugasan ang naturang backhoe upang maiwasang kalawangin. Wala rin  naman umanong natamong major damage.

Nang tingnan ang dinaanan ng nabanggit na heavy equipment, sa kabutihang-palad ay wala naman umanong napinsalang buhay-ilang o korales.

“Wala naman [nabasag na mga korales] kasi buhanginan ‘yon [ang dinaanan ng backhoe]. Kung makita n’yo, purely… sandy ang lugar na ‘yon. Wala…[ding oil spill] kasi ang oil spill, [lumalabas] lang ‘yan kapag may leakage pero since the equipment is in condition and operating, wala talagang lumabas na oil spill doon. Wala talagang environmental damage,” pagtitiyak ni Engr. Purisima.

Kung mayroon namang concern o reklamo, tumawag o magteks lamang sa numerong 0917-720-9743 at tiniyak ng PEO na aaksyunan ang anumang hinaing mula sa buong probinsiya. Ani Engr. Purisima kailangan ng tanggapan ang input ng mga mamamayan upang mabatid din nila kung may pagkukulang sila pagdating sa serbisyo publiko upang mas ma-improve pa ang paglilingkod.

“Kami rito sa Kapitolyo, we are trying our very best to work,…to help the entire Province of Palawan [for] its own development and [to give] assistance to all its constituents,” aniya.