Provincial News

Ordinansang pagdagdag ng driver’s license bilang requirement sa pagbili ng motorsiklo, ipinasa sa Narra

By Hanna Camella Talabucon

September 29, 2019

Idadagdag na ang updated na driver’s license bilang isa sa mga requirements sa pagbili o pagkuha ng motorsiklo sa mga establisyemento o kumpanyang nagbebenta nito sa bayan ng Narra.

Ito ay kung maaprubahan ang panukalang inihain kamakailan lamang sa isang pormal na sesyon sa Sangguniang Bayan ng Narra na nagbabawal sa mga establisyemento o kumpanyang nagbebenta ng motorsiklo na pagbentahan ng motor ang sinomang indibidwal na walang updated na lisensiya galing sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Sangguniang Bayan member Francisco Atchera, may akda ng ordinansa, layunin ng naturang panukala na mapaigting ang seguridad at kampanya sa pagpuksa ng krimen sa bayan gayundin ang pagbawas ng mga aksidente sa kalsada na naitatala sa lokal na munisipyo.

“Para ma-monitor natin kung sino ang mga may-ari motor kasi iwas krimen din ‘yan. Saka para ma-ensure natin na bago sila marelease ng motor, equipped sila ng driver’s license,” aniya Atchera.

Ayon kay Atchera, ang ordinansa ay makakatulong upang masiguro na bawat drayber at kukuha ng motor ay may sapat na kaalaman sa pagmamaneho at batas trapiko.

Saklaw ng ordinansa ang lahat ng establisyemento o kumpanyang nagbebenta ng motor na nasa munispyo ng naturang bayan.

Ayon pa din sa ordinansa, para naman sa mga organisasyon, kooperatiba, korporasyon at ahensiyang nagnanais na kumuha ng motorsiklo bilang pangunahing sasakyang gagamitin sa kani-kanilang mga opisina, hahanapan naman ng lisensiya ang kanilang mga presidente, chairman o head bago pa ma-irelease ang sasakyan.

Oras na tuluyang maaprubahan ang panukala, magsusumiti ng “quarterly report” ang bawat establisyemento at kumpanyang nagbebenta ng motorsiklo sa bayan ng Narra. Ang quarterly report, kasama ang kopya ng bawat lisensiya ng mga indibidwal na bumili ng motorsiklo, ay isusumiti sa opisina ng business permit at licensing unit ng munisipyo.

Ang anomang establisyemento o kumpanyang mapapatunayang lumabag sa ordinansa ay magkakaroon ng kaakibat na parusa:

Para sa unang paglabag – P1,500 bawat isang unit ng motorsiklo

Pangalawang paglabag – P2,000 bawat isang unit ng motorsiklo

Pangatlong paglabag – P2,500 bawat isang unit ng motorsiklo at pagbawi ng mayor’s permit

Sa ngayon, ang ordinansa ay nakatakda na sa commitee hearing kasunod ng pangalawang pagbasa nito sa susunod na sesiyon ng lokal na Sangguniang Bayan.