Nagtamo ng iba’t-ibang sugat sa mga binti at braso ang isang lalaki matapos umanong tagain ito ng sariling tiyuhin 4AM noong Huwebes, Desyembre 12 sa Sitio Bukid-Bukid, Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan.
Ayon sa police report ng mga otoridad, kinilala ang biktima bilang si Eb Abdurasid, 45 anyos, binata, magsasaka at ang suspek bilang si Ekko Mohammad Abdurasid, 67 anyos, balo, magsasaka, at parehong residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, kasalukuyang nagtatalo umano ang dalawa patungkol sa pagkakahati ng kanilang mga lupain nang bigla na lamang naglabas ng bolo ang suspek at pinagtataga ang kanyang pamangkin.
Ang biktima ay agad namang isinugod sa pagamutan upang maampatan ng pangunahing lunas kasunod ng pagkaka-aresto ng suspek at pag-kumpiska ng nasabing bolo.