Isang Pangolin (Manis culionensis) ang na-rescue ng Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU) ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa Bayan ng Bataraza kamakalawa.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa kanilang Facebook account kahapon, nailigtas ang nasabing buhay-ilang matapos na ipagbigay-alam ng residenteng si G. Anthony Vergara noong Mayo 23.
Ang nabanggit na Pangolin ay may sukat umanong two feet (haba) at four inches (lapad).
Pinapurihan ng PCSD ang nabanggit na indibidwal sa agaran niyang pagpapabatid sa kanilang tanggapan hinggil sa hayop na sa kasalukuyan ay lubos ng nanganganib (Critically Endangered).
Ayon naman sa tagapagsalita ng PCSDS na si Jovic Fabello, ang na-rescue na Balintong sa Bataraza ay ikalawa na sa kanilang talaan.
“This year (2020), ang na-rescue natin [ay] dalawa… pero merong 20 live Pangolins ang na-release natin no’ng January, although ang nag-rescue po ay CENRO Taytay-El Nido at Bantay Palawan,” ani Fabello.
Samantala, muling nananawagan ang PCSDS na kung may mga kahalintulad na insidente ay agad na ipagbigay-alam sa kanilamg tanggapan sa pamamagitan ng kanilang mga hotline numbers na 0935 116 2336 (Globe/ TM) at 0948 937 2200 (Smart/ TNT).