Provincial News

Panukalang batas sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya, umuusad na sa konggreso

By Alexa Amparo

July 01, 2018

CORON, PALAWAN – Kinumpirma ni Atty. Michelle Marie Ricaza-Acosta, chief political affairs officer ng Palawan Third District Representative, na umuusad na ang House Bill 7413.

Ang panukalang batas ay naglalayong lumikha ng tatlong probinsiya na tatawaging Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.

Sinabi ni Acosta sa Palawan Daily News na lumusot na kamakailan sa Committee on Local Government ang HB 7413, dadaan pa ito sa Rules Committee saka uusad sa ikalawang pagbasa sa plenaryo.

Ang HB 7413 ay inihain nina Reps. Gil Acosta ng 3rd District, Franz Joseph Alvarez ng 1st District at Frederick Abueg ng 2nd District.

Sa naging panayam sa mga kinatawan ng lalawigan, sinabi nilang ang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya ay maghahatid ng serbisyo palapit sa mga lugar na hindi gaanong naabot, mas magiging epektibo ang resource management para sa kanilang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Palawan del Norte ay binubuo ng mga bayan ng El Nido, Taytay, Coron, Linapacan, Culion, at Busuanga.

Ang Palawan Oriental ay kinabibilangan ng San Vicente, Roxas, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, at Cagayancillo.

Bubuo naman sa Palawan del Sur ang mga bayan ng Kalayaan, Aborlan, Narra, Sofronio Espanola, Brooke’s Point, Rizal, Quezon, Bataraza at Balabac.

Nakasaad din sa panukala na ang magiging na Internal Revenue Allotment (IRA) ay paghahatian ng mga bagong probinsiya nang naaayon sa land area at populasyon ng mga ito.

Samantala, umaasa ang mga nagsusulong na mambabatas na maaprubahan ang HB 7413 sa pagpapatuloy ng sesyon ng Konggreso ngayong Hulyo.

Nauna rito, nag-akda ng resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan si 1st District Board Member David Francis Ponce de Leon na sinuportahan ng karamihan sa mga miyembro ng kapulungan. (AJA/PDN)