PUERTO PRINCESA, Palawan — Mayroon nang ‘anti-terrorism fast boat’ ang Philippine Coast Guard (PCG) District Palawan na magagamit para sa kampanya kontra-terorismo.
Ang nasabing bangka na pinasinayaan kamakailan sa daungan ng lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Commodore Allen Toribio ay donasyon ng gobyerno ng Hapon sa Pilipinas.
Isa itong ‘rigid hulled inflatable boat’ (RHIB) na mayroong caliber 30 machine gun at may bilis na 40 hanggang 60 knots o 46.1-69.1 milya kada oras. Mayroon din itong 350-horsepower makina na umaabot sa 320 litro ng gasoline ang kapasidad nito.
Ayon sa pamunuan ng Coast Guard sa Palawan, tanging mga sinanay na tauhan ng coast guard at may kaalaman sa mga kagamitang nakalagak sa fast boat ang otorisado lamang na gumamit nito.
Dagdag pa ng coast guard Palawan na angkop na angkop ang bangkang ito para sa kampanya kontra-terorismo sa lalawigan dahil kahit gabi ay maaari itong gamitin sapagkat kompleto ito sa ‘navigational equipment’.
Nanawagan din ang pamunuan ng coast guard sa Palawan sa mga mamamayan na para matiyak ang kaligtasan ng lalawigan sa mga terorista ay dapat maging alerto at vigilante lalong-lalo na ang mga nakatira malapit sa mga dalampasigan at i-report agad sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang mga kilos o galaw ng mga taong hindi kilala sa kanilang mga lugar. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)