Hindi na magiging problema ng bayan ng Brooke’s Point ang mga basurang plastik, bote at iba pang basura tulad ng papel, dahil maaari na nila itong ma-recycle sa ibang bagay.
Ayon kay Mayor Maryjean D. Feliciano, dumating na ang ilang mga makinarya o equipment na makatutulong sa kanilang Green Park sa pag-recycle ng kanilang mga basura sa kapaki-pakinabang na bagay. Ang nasabing mga kagamitan ay ang Plastic Shredder, Glass Pulverizer, Mixer at Hollow Block Moulder.
Ang plastic shredder ay magagamit sa pagdurog ng mga plastic sa maliit na bahagi at ang glass pulverizer naman ang dudurog sa mga bote upang maging pino ito na maaaari nang ihalo sa buhangin at graba sa paggawa ng hollow blocks o kaya bricks.
Mayroon na ring cement mixer at hollow block moulder upang makompleto na ang produksiyon ng hollow blocks at bricks. Ang mga produktong ito ay planong ipagbili ng pamahalaang lokal sa mga residente na nangangailangan nito sa pagtatayo ng mga bahay sa murang halaga.
Dagdag pa ni Mayor Feliciano, ang mga basurang papel naman at karton ay ginagawang charcoal bricks o uling na magagamit sa pagluto. Mas matipid aniya ito kumapara sa paggamit ng uling mula sa kahoy o bao ng niyog at gas.
Sa Green Park din ng munisipyo ginagawa ang charcoal bricks sa pamamagitan ng pagbabad ng mga basurang papel at karton sa tubig at kapag malampot na ito ay ihuhulma ito sa kanilang hulmahan at patutuyuin ng ilang araw at kapag natuyo na ay maaari na itong gamitin.
Matatagpuan din sa parke ang Material Recovery Facility (MRF) ng Brooke’s Point kung saan dito inilalagak ang mga basurang maaari pang pakinabangan at i-recycle. Ani Mayor Felciano, malaki ang naitutulong nitong Green Park upang mabawasan ang mga basurang dinadala sa landfill.
Mayroon din itong composting facilities upang makapag-prodyus naman ng organic fertilizer na magagamit pampataba sa mga pananim.
Sinabi pa ni Mayor Feliciano na ilan lamang ito sa mga hakbang na ipinatutupad ng kanyang administrasyon bilang pagtalima sa Republic Act 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)